PASAY CITY – Binaril at napatay ang isang 23-anyos na estudyante kamakalawa ng tanghali sa lungsod na ito.
Namatay habang ginagamot sa San Juan De Dios Hospital sanhi ng isang tama ng bala sa kanyang mukha ang biktima na nakilalang si John Ray Tolentino, residente ng Brgy.145, Zone 16.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng operasyon upang madakip ang suspek na si Toto Marcelino, naninirahan sa loob ng isang pampublikong sementeryo sa nasabing barangay.
Base sa report ng Southern Police District (SPD) na isinumite ni Pasay City police chief Colonel Bernard Yang, nangyari ang insidente dakong alas-11:50 ng tanghali sa panulukan ng Guiho at Guyabano Sts., Brgy 187.
Nagte-text si Tolentino nang dumating si Marcelino at tumayo sa harapan ng biktima saka binaril ang estudyante sa mukha.
Mabilis na tumakas ang suspek bitbit ang baril na kanyang ginamit sa krimen samantalang agad namang itinakbo sa opsital ng mga residente sa lugar si Tolentino kung saan ito nalagutan ng hininga. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.