PINAALALAHANAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) na dapat makatanggap ng extra pay ang mga empleyadong magtatrabaho sa non-working holidays.
Inilabas ni DOLE Secretary Silvestre Bello III ang advisory bunsod ng dalawang non-working holiday na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte kabilang dito ang Chinese New Year ngayong araw, Pebrero 1 at ang EDSA Revolution Day sa Pebrero 25.
Ang mga empleyadong nagtatrabaho para sa mga araw na nabanggit ay dapat makakuha ng karagdagang 30 porsiyento ng kanilang pangunahing sahod para sa unang walong oras ng trabaho.
Samantala, ang mga employer ay dapat magbayad sa mga empleyado na nag-overtime sa trabaho ng karagdagang 30 porsyento ng kanilang hourly rate.
Sa kabilang banda, dapat din bayaran ang mga magtatrabaho sa holiday na pumapatak sa araw ng kanilang pahinga o day-off nang karagdagang 50 porsiyento ng kanilang pangunahing sahod para sa unang walong oras. LIZA SORIANO