Lalong dumarami ang mga institusiyon at grupong nagtutulak na ipasa at maisabatas agad ang Department of Disaster Resilience (DDR) Act ng Senado kung saan ito nakabinbin. Ang paglikha ng DDR ay itinuturing na pinakamalinaw na balangkas na tugon sa mga kalamidad na lumilimit ang pananalasa sa bansa, kasama ang pandemic.
Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, House and Means Committee chairman at may-akda ng panukalang batas sa Kamara, ang DDR ang magiging pangunahing ahensiya ng pamahalaan “na mangunguna, mangangasiwa at mag-uugnay-ugnay sa lahat ng hakbang at programa ng gobyerno para maiwasan, mapaghandaan at mapagaan ang dagok ng mga kalamidad, makabangon sa mga ito at patuloy na isulong ang progreso ng bayan at lipunan.”
Ang huling mga grupong sumuporta sa paglikha ng DDR, bukod sa iba pa, ay ang University of the Philippines Resilience Institute (UPRI), Greenpeace Philippines, at ang Local Climate Change Adaptation for Development (LCCAD). Nakiisa sila sa Kamara upang bigyang diin na sadyang kailangan na ang pagpapatupad ng mabisang mga panuntunang inisyatibong tugon sa “disaster and climate emergency” sa bansa.
Nitong nakaraang Nobyembre, inaprubahan ng House Committee on Disaster Resilience ang Resolution No. 535 ng Kamara na akda rin ni Salceda, na nagdedeklara ng “disaster and climate emergency” sa bansa. Itinuturing itong “una sa maraming hakbang” para sa tugong “whole-of-government, whole-of-society and whole-of-nation policy” habang kinakaharap ng Filipinas ang isang “disaster and climate emergency.”
Pinuna ng resolusyon na sa kabila ng naitatag nang mga ahensiya gaya ng Climate Change Commission at National Disaster Risk Reduction Management Council, patuloy pa ring nakikipagbuno ang bansa sa mga isyung kaugnay ng climate and disaster governance.
Panukala rin ng UPRI, Greenpeace at LCCAD na ideklara ang 2020 bilang “Disaster and Climate Emergency awareness year,” bigyang pansin ang mga isinasaad ng DDR bill, at manawagan sa mundo para sa makataong ayuda kasunod ng mga mababagsik na kalamidad na humagupit sa bansa.
Sinabi ng grupo na suportado rin nila ang pamahalaang lokal sa kanilang panawagang ayuda sa delikadong mga pamayanan para sila makaagapay sa mga hamon ng kalamidad.
Sa isang ‘online forum,’ binigyang diin ni UPRI Executive Director Mahar Lagmay ang kahalagan ng pagpaplano at paghahanda sa mga panganib ngayon at hinaharap. “Ang maka-siyensiyang pagpaplano ng lahat ng sektor ng lipunan ang pinakamabisang kasangkapan para mapagaan ang bagsik ng mga pangkalikasang kalamidad. Kung ito ay magiging bahagi ng ating kultura, magiging gamit ito upang maagang makita agad ang mga banta ng paligro,” paliwanag niya.
Sinabi naman ni Greenpeace Southeast Asia Executive Director Naderev Saño na ang tunay na husay sa “disaster and climate resiliency” ay hindi lamang para buhay na malagpasan ang mga banta ng panganib, kundi ang pagkakaroon ng maisasagawang malinaw na istratehiya para maprutektahan ang tao at kalikasan.
Sa isang pahayag, sinabi ng LCCAD na ang pagsasabatas ng DDR Act at pagdeklara ng “Disaster and Climate Change Emergency” ay magsisilbing susi upang mabisang matugunan, mapagaan at malagpasan ang mababagsik na hamon at banta ng mga kalamidad.
Sa Senado, muling nanawagan si Sen. Christopher “Bong” Go na bigyang kaganapan agad ang paglikha ng DDR, at kahit may mga mekanismong laan na sa mga kalamidad, patuloy na sikapin ng mga mambabatas na lalong pahusayin ang mga ito para sa kapakanan ng mamamayan at bansa.
Si Go ang may-akda ng bersiyon sa Senado, na lalong nililinaw ang mga hakbang ng ugnayan at pangkalahatang pagtugon sa mga kalamidad. “Sadyang kailangan nang baguhin ang pananaw at pamamaraan kaugnay sa mga kalamidad na lalong lumilimit at ibayong pahirap ang ibinibigay sa mga Pilipino lalo na ngayong may pandemya,” pahayag niya.
Sinasalamin ng panawagan ni Go ang nauna nang panawagan ni House Speaker Lord Alan Velasco sa Senado na ipasa agad ang DRR Act na umani ng 241 boto nang aprubahan ng Kamara noong Setyembre.
Comments are closed.