NABIGLA ang buong mundo, lalo na ang Estados Unidos at ang mga bansa sa Europa, nang mag-anunsiyo si Russian President Vladimir Putin sa pagsugod sa Ukraine kahapon.
Matagal nang naggigirian ang Russia at Ukraine mula ng pagbagsak ng Union of Soviet Socialist Republics (USSR) noong dekada 80. Umalis kasi ang mga maliliit na bansa sa Russia matapos mabuwag ang USSR. Ganoon pa man, ang Russia ay patuloy pa ring matatawag na world power na kahanay ng US at China.
Sa totoo lang, ang Ukraine ay hindi naghahanap ng kaaway na ibang bansa. Alam nila na mahirap kaaway ang Russia. Sa katunayan, noong nakuha nila ang kanilang kalayaan mula sa USSR noong ika-24 ng Agosto 1991, patuloy pa rin nilang itinuturing na kaibigan ang Russia. Subalit nagbago ang lahat noong 2014 nang patalsikin ng mga Ukranian ang kanilang lider na sa dating President Viktor Yanukovych dahil sa pagsuspinde niya sa pag-uusap sa European Union (EU) noong mga panahon na iyon kung saan patuloy ang pagbagsak ng ekonomiya ng Ukraine.
Ang Russia, na hindi kasapi ng EU, ay hindi nagustuhan ang nangyayari sa Ukraine kaya naman sinakop nila ang Crimea na dating parte ng Ukraine kung saan nagkaroon ng labanan ng bawat sandatahan.
Dahil dito, mas lumakas tuloy ang paninindigan ng Ukraine na sumanib na sa EU at sa North Atlantic Treaty Organization (NATO) upang magkaroon sila ng economic at defense security laban sa Russia.
Ito ang puno’t dulo ng hidwaan. Ngayon naman dahil nagkakaroon na ng linaw sa maaaring pagtanggap ng EU at NATO sa Ukraine bilang bagong miyembro ng samahan nila, nagbanta si Putin na lulusubin niya ang Ukraine.
Sa kanyang talumpati sa kanyang mga kababayan kung bakit kailangan nilang sakupin ang Ukraine, tila manipis at hindi kumbinsido ang kanyang paliwanag. Sinasabi ni Putin na ang liderato ng Ukraine ay parang si Hitler ng Germany noong Ikalawang Digmaan. Marami raw sa mga ethnic Russian ay inaapi ng kasalukuyang gobyerno na pinamumunuan ni Vlodomir Zelensky.
Karamihan sa ethnic Russians ay nasa silangang rehiyon ng Donetsk at Luhansk. May 17% lamang ang ethnic Russians sa Ukraine. Subalit taliwas sa paliwanag ni Putin, wala namang hidwaan o ethnic conflict sa karamihan ng mga Ukrainian. Sa katunayan, si President Zelensky ay isinilang at lumaki sa isang rehiyon ng mga ethnic Russian. Kaya nakapagtataka ang dahilan ni Putin na may pagmamalabis daw ang gobyerno ni Zelensky laban sa mga ethnic Russian sa Ukraine.
Dagdag pa rito, karamihan sa mga mamamayan na naninirahan sa mga rehiyon ng Donetsk at Luhansk na nanggaling sa Russia ay lumaban sa mga Ruso noong 2014 nang sakupin nila ang Crimea.
Kung lumala ang hidwaan na ito, walang kalaban-laban ang Ukraine sa Russia. Wala din akong nakikitang katuturan sa hakbang na ginawa ng Russia. Kilala ang Ukrainians na handang mamatay upang ipagtanggol nila ang kanilang bansa. Ang buong European community at US ay nakikiisa sa laban ng Ukraine.
Gumawa ng economic sanctions ang US, EU, Australia at Japan bilang protesta sa ginawa ng Russia.
Subalit ang balita ay handa si Putin sa nasabing economic sanctions.
Hindi maganda ang nangyayari ngayon sa Europa. Ang mga kaganapan ay parang nauulit ang naging mitsa ng World War 2 nang si Hitler ay hinayaan ng ibang world leaders na sakupin ang Poland at ang dating bansang Czechoslovakia at ang Sudetenland na isang rehiyon ngayon ng bansang Czech sa dahilang karamihan ng mga naninirahan doon ay may dugong Aleman.
Dapat ay magkaisa ang international community na kondenahin ang ginawang hakbang ng Russia sa panghihimasok sa Ukraine.