NAGUTOM KA BA?

edwin eusebio

Nagsusumikap ang mga Magulang para sa kanilang mga Anak,

Ayaw  nilang makikitang Nagugutom ang mga ito at Mapahamak.

Kaya naman sina itay at inay ay kapwa nagsusumikap…

Magandang buhay at masaganang pagkain para sa anak maipalasap.

 

Gayunman  datapuwat, Bakit nga ba at bakit?

Ekonomiya at kabuhayan ng Bansa tila Numinipis…

Ang dating ilang Putaheng ulam, De-lata na lamang malimit

Ang Nagmahal na Bigas… nagpahirap sa Budget ni Misis.

 

Sa nakalipas daw na tatlong buwan noong 2018,

Nasa halos dalawa at kalahating milyong Pamilya ang nagutom man din.

Gayunman ito ay mas kakaunti na rin…

Kumpara noong Setyembre na mahigit sa tatlong milyon ang kapos sa pagkain.

 

Paano nga ba sinusukat ang bilang ng mga Nagugutom?

Gayong ito ay nakabatay sa Tao na nakararam­dam niyon.

Ang sukatan nito ay sa Kusina ng tahanan ngayon…

Kung wala kang makikitang naka –Stock na Sardinas at Pancit Canton.

 

Ibig sabihin nito ay hindi na sapat ang Budget  sa Tahanan,

Isang kahig, isang tuka na lang talaga ang karamihan.

Kaya nga kailangang matugunan ng Pamahalaan…

Ang Pangangailangan ng Hanapbuhay ng mga Mamamayan.

 

Ang Nakararanas lamang daw ng gutom ay yaong mga Tamad…

Gayunman paano ang mga Paslit na mga wala pang lakas.

Kung mga Magulang nila kahit Masisipag…

Ang kita ay hindi nakasasapat kaya Pambili sa Pagkain ay Salat!

 



(Si Edwin Eusebio ay araw-araw na naririnig sa DWIZ 882 am Radio)

Comments are closed.