NAGWALANG CHINESE, 3 PA ARESTADO

NAHAHARAP sa patong-patong na kaso ang isang Chinese national na nagwala nang hindi papasukin ang minamaneho nitong sasakyan sa isang subdibisyon habang inaresto naman ang tatlo pang kasama na umawat sa pagdakip sa una sa Las Piñas, Lunes ng gabi.

Kinilala ang mga inarestong suspects na sina Zhao Yi, 32-anyos; Zheng Chao, 32-anyos; Zhuang Zhi, 34-anyos; and Li Xue, 32-anyos, isang businesswoman na pawang residente ng Unit 617 To­wer 2, Avida Tower, Alabang, Muntinlupa City.

Base sa report kay Southern Police District (SPD) director Brig. Gen. Jimili Macaraeg, inaresto ang mga suspek dakong ala-6:30 ng gabi sa Gate I Inner Circle Home Owners Association Inc., BF Homes, Barangay Almanza Uno, Las Pinas City.

Sinabi ni Macaraeg na bago maaresto ang mga suspek ay minamaneho ni Zhao ang kanyang itim na Ford Everest na may plakang CAA 7449 na sakay ang kanyang tatlo pang kasamahan at tinangkang pumasok sa nabanggit na subdibisyon ngunit hindi ito pinayagan ng mga nakatalagang guwardiya dahil walang sticker ang sasakyan nito at wala rin siyang valid ID.

Sa galit ni Zhao ay nagwala ito at binangga ang kanyang sasakyan sa gate ng nabanggit na subdibisyon na nagtulak sa mga guwardiya para hu­mingi ng responde sa pulisya.

Ayon pa kay Macaraeg, nang aarestuhin na si Zhao ay pinigilan ng mga kasamahan ng suspek ang rumespondeng mga pulis sa pag-aresto kay Zaho kung kaya’t pati ang mga ito ay dinakip din.

Sa inspeksyon na isinagawa kay Zhao ay nakuhanan pa ito ng isang .45 kalibre pistol na maglalaman ng anim na bala.

Nahaharap sa kasong alarm and scandal at illegal possession of firearm si Zhao habang kasong obstruction of justice naman ang isasampa sa kanyang tatlong kasamahan sa Las Piñas City prosecutor’s office. MARIVIC FERNANDEZ