NAKAPAGTALA na ang Department of Health (DOH) ng unang novel coronavirus infection death o ‘nCoV death’ sa Filipinas.
Ayon sa DOH, ito na ang ikalawang kaso ng nCoV infection na naitala nila sa bansa, habang kinumpirma naman ng World Health Organization (WHO), na ito rin ang kauna-unahang nCoV death na naitala sa labas ng China, na siyang itinuturing na pinagmulan ng karamdaman.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ang naturang pasyente, ay isang 44-taong gulang na lalaking Chinese national, na mula rin sa Wuhan City sa China at kasintahan ng 38-anyos na Chinese woman na itinuturing na unang kumpirmadong kaso ng nCoV case sa bansa.
Aniya, dumating ang magkasintahan sa Filipinas noong Enero 21, 2020, via Hong Kong at kaagad na bumiyahe sa Dumaguete at Cebu.
Enero 25 rin nang magkaroon ng lagnat, ubo at pananakit ng lalamunan ang magkasintahan at kaagad na ini-admit sa San Lazaro Hospital.
Unang nakumpirmang nCoV death ang babaeng pasyente ngunit sinabi ng DOH na asymptomatic ito o hindi kakikitaan ng mga sintomas ng karamdaman.
Ang lalaking pasyente naman ay nakitaan din ng maayos na kondisyon noong mga unang araw nito sa pagamutan. Gayunman, nag-develop siya ng severe pneumonia dahil sa viral at bacterial infection at unti-unting lumala ang kondisyon hanggang sa tuluyan nang binawian ng buhay nitong Sabado, Pebrero 1.
Nilinaw naman ni Duque na ang kaso ng dalawa ay imported case at walang ebidensiya ng local transmission ng karamdaman sa bansa.
Hanggang sa kasalukuyan ay wala rin aniyang ulat na may nagaganap na pagkalat ng virus sa mga komunidad sa Filipinas.
“I would like to emphasize that this is an imported case with no evidence of local transmission. We are currently working with the Chinese Embassy to ensure the dignified management of the remains according to national and international standards to contain the disease,” pahayag naman ni Duque.
Muli rin namang tiniyak ni Duque na lahat ng kinakailangang pamamaraan ay kanilang isinasagawa upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Nagpatupad na rin ang San Lazaro Hospital ng mahigpit na infection control protocols habang inaalagaan ang kanilang mga pasyente.
Ayon sa kalihim, lahat ng mga health personnel na nag-aalaga sa mga pasyente ay nagpapatupad ng stringent infection control measures at nakasuot ng mga tamang personal protective equipment.
Nilinaw rin naman niya na hindi nila nire-require ang mga pasyente at mga bisitang nagtutungo sa San Lazaro Hospital na magsuot ng face mask, ngunit hindi pa rin umano nila pinapayagan ang mga bisita sa mga PUI at confirmed nCoV case doon.
Patuloy ang isinasagawang contact tracing ng Epidemiology Bureau (EB) sa mga taong nagkaroon ng closed contact sa mga pasyenteng nagpositibo sa sakit.
Nakakuha na rin ang EB ng manifesto ng mga biyahe ng magkasintahang Chinese at masusi na silang nakikipag-ugnayan sa mga concerned airlines upang makontak ang mga pasahero nila.
“Contact tracing activities are ongoing in Cebu and Dumaguete, and in other places where the patients stayed and traveled to,” ayon pa sa DOH.
INOOBSERBAHANG PASYENTE UMAKYAT SA 36
Iniulat ng DOH at ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na hanggang 12:00 ng tanghali ng Pebrero 1, 2020 ay nakapagtala pa sila ng limang karagdagang patient under investigation (PUIs), kaya’t umakyat na sa 36 ang total recorded number ng PUIs sa bansa.
Sa naturang bilang, kabilang na ang magkasintahang Chinese na nagpositibo sa karamdaman; 24 naman ang nagnegatibo na sa nCoV ngunit isolated at naka-confine pa rin sa pagamutan, 10 ang pinalabas na ng ospital ngunit isinasailalim pa rin sa istriktong monitoring, habang isang PUI ang namatay, ngunit nakumpirma ng DOH na hindi nCoV ang sanhi ng pagkamatay nito dahil positibo ito sa pneumonia na kumplikasyon ng taglay niyang HIV. May apat pa umanong PUIs ang kasalukuyang sinusuri ng RITM.
Sa kabilang dako, iniulat naman ni Duque na mahigpit nang nagpapatupad ang pamahalaan ng temporary travel ban para sa mga biyaherong mula sa China, Macau, at Hong Kong.
“DOH is monitoring every development on the 2019-nCoV very closely and is taking proactive measures to contain the spread of this virus in our country. This health event is fast-evolving and fluid. We are continuously recalibrating our plans and efforts as the situation develops,” paniniguro pa ng kalihim.
“We are providing the public with constant updates and advisories as frequently as possible, so all I ask from the public now is to heed the advisories from official DOH channels and to refrain from sharing unverified and unvalidated information. I assure the public that we will keep you abreast of any information that we have,” panawagan pa ni Duque.
Pinaalalahanan ring muli ng DOH ang publiko na magpatupad ng mga pamamaraan upang maiwasan ang mahawa ng sakit, gaya ng proper hand hygiene at cough etiquette.
“The new developments warrant a more diligent approach in containing the threats of the 2019-nCoV. The Department of Health is continuously improving and scaling up its public health measures and reminds the public to remain calm and vigilant,” pagtatapos naman ni Duque. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.