INILUNSAD ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) ang pagbabalik biyahe ng Light Rail Transit (LRT)-1 Christmas Train sa Baclaran station matapos itong mahinto dahil sa pandemya na idinulot ng COVID-19 noong taong 2020.
Pinagunahan nina LRMC president at CEO Juan Alfonso kabilang si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang paglulunsad ng pinakahihintay na Christmas-themed train sa LRT-1 Baclaran Station.
Ang mga upuan sa loob ng unang LRVa/coach ng Christmas Train ay ginawang classical piano na may sticker decals at nilagyan ng makukulay na imahe ng iconic classical music pieces sa salamin ng bintana.
Ang ikalawang LRV/coach ay dinekorasyunan ng may vinyl discs at musical notes sa bintana habang ang mga upuan ay ginawang retro-themed cafe feels.
“We officially start the Christmas holiday season at LRT-1 today. We are happy to bring back this Christmas tradition of wrapping select trains at LRT-1 as one of our special treats to our passengers,” ani Alfonso.
Ang LRT-1 Christmas Train ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng ahensya para sa kasiyahan ng kanilang mga pasahero upang mabigyan ang mga mananakay ng hindi makalilimutang karanasan habang ang management ay nagtatrabaho ng husto para sa maayos, ligtas at maaasahang pagbibigay ng serbisyo sa mga tao.
Bukod pa sa mga disenyo na makikita sa LRT-1 Christmas Train ay mayroon ding pagkakataon na makatanggap ang masuwerteng pasahero ng LRT-1 ng espesyal na regalo mula LRMC kapag ang mga ito ay sumali sa aktibidad na makikita malapit sa articulation area ng mga bagon.
Kasabay sa paglulunsad ng Christmas Train ay ang pagsasagawa ng panghaharana ng Philippine Philharmonic Orchestra habang ang mga empleyado naman ng LRMC mula sa Train Operations Division (TOD) at Stations Operations Division (SOD) ay nanghaharana naman ng mga bisita at pasahero sa loob ng bagon.
Nagtatanghal din ang ka-partner ng LRMC sa kampanya ang Timoteo Paez Elementary School sa Pasay ng kanilang mga awiting pamasko sa LRT-1 Doroteo Jose Station sa paglulunsad ng naturang seremonya.
Ayon kay Alfonso, ang themed train campaign ay unang isinagawa noong taong 2016 Christmas season na nakapang-akit ng mas maraming mananakay, nakadagdag ng kasiyahan at nakakuha ng atensyon sa mga pasahero ng LRT-1. MARIVIC FERNANDEZ