IPINAG-UTOS na ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang pagsibak sa serbisyo kay Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr. na nahulihan ng halos isang toneladang shabu sa isinagawang anti narcotics operation sa Tondo, Maynila.
Tiniyak ni Azurin na dumaan sa tamang proseso ang ibinabang dismissal order laban kay Mayo, kasapi ng PNP-Drug Enforcement Group Intelligence Unit
Matatandaan na si Mayo ay nahulihan ng may 990 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 billion sa pagmamay-ari nitong lending shop sa Maynila sa isinagawang pagsalakay.
Sa follow up operation, si Mayo ay inaresto nooneg Oktubre 2022 ng mga kasamahan sa PDEG at nakumpiskahan pa ng mahigit P13 milyong halaga ng shabu.
Si Mayo ay ipinatapon sa Mindanao noong 2016 subalit muli itong nakabalik sa PNP Headquarters at itinalagang intel officer ng PNP Drug Enforcement Group.
Naging mainit ang kaso ni Mayo nang tangkaing mangupit ng tatlong pulis ng 42 kilos ng shabu subalit naibalik ito sa PNP matapos na makuha sa isang abandonadong sasakyan sa may harapan ng isang gusali malapit sa gate ng Camp Crame.
Sa mga naglabasang ulat ay sinasabing itinabi lamang ang 42 kilos ng droga bilang kabayaran sa kanilang assets na naging instrumento para mahuli ang halos isang toneladang shabu.
VERLIN RUIZ