BATANGAS – KINONDENA ng Philippine Ports Authority (PPA) sa pamumuno ni General Manager Jay Santiago ang mga fixer sa Batangas Port na nagpapahirap sa mga pasahero na uuwi sa kani-kanilang lalawigan ngayong holiday season.
Ayon kay GM Santiago, ang pagkahuli sa dalawang suspek sa panloloko sa mga pasahero sa nasabing pantalan ay isang matinding paalala at aral para sa mga indibidwal na nagsasamantala sa mga mamamayan sa pamamagitan ng mga iligal na gawain.
“Ito po ang patunay na laging may ginagawang aksyon ang PPA sa mga natatanggap nitong reklamo. On the part of PPA, inilipat po natin ang entrance gate sa Batangas Port para makaiwas din sa mga nag-aalok ng insurance sa labas ng pantalan pero dahil holiday rush ay sinamantala pa rin ito ng ilang mga scammer para manloko ng kapwa at maningil ng triple sa mga pasaherong nais lang umuwi. Magsilbi sana po itong aral sa lahat ng fixer at nagbabalak pa ngayong peak season,” ani Santiago.
Nilinaw din ng ahensya na hindi konektado sa sinumang empleyado nito ang dalawang nahuling ‘fixer’ sa Batangas Port noong Disyembre 23 sa pamamagitan ng joint entrapment operation ng Philippine National Police Maritime Group, PPA Port Police, at Philippine Coast Guard-Batangas.
RUBEN FUENTES