NAHULOG SA RIVER BANK: 30-ANYOS NA LALAKI TODAS

BATANGAS- PATAY na nang matagpuan ng mga tauhan ng Coast Guard ang isang 30-anyos na lalaki makaraang mahulog sa ginagawang river bank ng Taal Lake sa Barangay San Nicolas sa lalawigang ito.

Kinilala ang nalunod na si Lorenzo Bumad-ang, tubong Cambulo, Banaue, Ifugao at contract worker sa nabanggit na proyekto.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, lasing umano si Bumad-ang nang magtungo sa ginagawang rip rapping project kasama ang katrabaho na si Jessrael Pinay-an kung saan nagpaalam ang biktima na may kukunin itong kagamitan sa tabi ng ilog.

Nabatid sa report ng pulisya, nasa kalahating oras na ay hindi pa bumabalik si Bumad-ang kaya’t nag-alala umano ang kasama nito kaya napilitan itong ipagbigay-alam sa Barangay ang pagkawala nito.

Daglian naman humingi ng tulong ang barangay sa coast guard at hinanap ang biktima na natagpuan sa layong 40 metro mula sa River Bank.

Sinubukan pang bigyan ng lunas ng mga tauhan ng Coast guard sa pamamagitan ng CPR subalit wala na itong buhay.

Nagbigay naman ng kaukulang tulong ang LGU ng Taal, Batangas sa pamilya ng biktima at sinagot ang gastos sa pag-uwi ng bangkay sa Ifugao. ARMAN CAMBE