NAIA NAMUMURO NA SA DAMI NG KINASASANGKUTANG ISYU

KATATAPOS pa lamang ng unang dalawang buwan ng taon ngunit samu’t saring mga isyu na ang kinasangkutan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Bilang pangunahing internasyonal na paliparan sa bansa, kinakatawan nito ang turismo ng Pilpinas kaya naman napakatindi ng negatibong epekto sa turismo ng mga hindi magandang karanasan ng mga turistang bumibiyahe at lumalabas ng bansa. Bilang mamamayan na nakabiyahe na rin ng ilang ulit, hindi ko rin maiwasang maikumpara ang ating paliparan sa mga paliparan ng ibang bansa.

Kamakailan ay pinalad ang inyong lingkod na makabiyahe overseas kung saan aking nakita ang malaking pagkakaiba ng airport ng pinuntahan kong bansa kumpara sa atin mula sa pagbungad palabas ng tube,

pagkuha sa mga gamit mula sa carousel at hanggang sa paglabas nang kami ay sunduin. Natanong ko tuloy ang aking sarili, kailan kaya makakasabay ang ating paliparan sa ibang bansa at kailan kaya wala nang masamang balitang lalabas ukol sa ating paliparan. Tanong na sana ay matugunan ng pamahalaan.

Isa nga sa pinakabagong isyung pinag-uusapan ang insidente ng pagnanakaw ng relong pagmamay-ari ng isang turista na kinasasangkutan ng isang airport security screening officer. Nangyari ang insidente matapos magdaan sa x-ray machine and kagamitan ng turista para sa security screening sa NAIA Terminal 1.

Kinumpirma ng Office of the Transportation Security (OTS) ang pagkakaaresto sa nasangkot na airport security officer noong Miyerkoles. Bagaman itinanggi nito ang krimen, huling-huli naman siya sa closed-circuit television (CCTV) footage ng paliparan. Kasalukyan siyang nasa kustodiya ng Philippine National Police Aviation Security Group para sa karagdagang mga katanungan at imbestigasyon.

Nakakahiya ang insidenteng ito. Bilang empleyadong nagtatrabaho sa pangunahing paliparan ng bansa, kinakatawan din nila ang Pilipinas kaya anumang isyu o hindi magandang bagay ang mangyari ay tiyak na mayroong negatibong epekto sa reputasyon ng bansa. Ang mas nagpalubha pa sa insidenteng ito ay mismong miyembro ng airport security ang sangkot sa insidente. Kung ikaw ay turista, paano mo mararamdaman na ligtas ka sa isang bansa kung mismong mga security officer nito ang gumagawa ng anomalya laban sa mga dayuhang gaya mo.

Batay sa pahayag ng Manila International Airport Authority (MIAA), ‘di nila kinokondena ang ganitong mga insidenteng nangyayari sa NAIA. Ayon kay MIAA General Manager Cesar Chiong, sinisira nito ang tiwala at integridad ng mga public servant sa bansa. Sang-ayon ako sa kanyang pahayag dahil hindi lang naman ito sa pangasiwaan ng NAIA mayroong negatibong epekto kundi pati na rin sa buong bansa.

Kapapasok pa lamang natin sa ikatlong buwan ng taong 2023, ngunit mangilang ulit nang naging trending topic ang NAIA. Kamakailan lamang ay pumutok din ang balita tungkol sa mga airport security officers na aniya’y nagtangkang kikilan ng 20,000 Yen o P8,000 ang isang turistang Thai. Kumalat ang bidyo ng insidente kung saan makikita ang diumano’y aktong pangingikil ng mga empleyado sa turista. Suspendido ang limang empleyadong sangkot sa insidente at mahaharap sa criminal at administrative charges dahil sa kanilang ginawang katiwalian.

Noong unang linggo ng Pebrero, inulan din ng batikos mula sa mga KPop fans ang NAIA dahil sa bidyo ng isang babaeng airport screener na kumapkap sa isang miyembro ng sikat na grupong ENHYPEN nang magdaos ito ng concert sa bansa. Makikita sa bidyo na kinikilig ang security officer habang isinasagawa ang pagkapkap. Batay sa pahayag ng MIAA, aminado silang may pagkakamali sa pangyayari at may paglabag sa kanilang mga alituntunin. Dahil lalaki ang pasahero, dapat ay lalaki rin ang security officer na nagsagawa ng pagkapkap. Bukod pa rito, hindi rin daw naging propesyonal ang officer dahil kitang tumatawa ito at kinikilig habang isinasagawa ang security check. Isa itong malinaw na kaso ng pananamantala.

Kung atin ding babalikan, hindi naging maganda ang umpisa ng taon para sa mga taong may biyaheng nakatakda noong unang araw ng 2023. Napakaraming nadismaya matapos ang hindi inaasahang paghinto ng operasyon ng paliparan dahil sa pagpalya ng mga system nito. Umabot sa 361 na flights ang kinansela dahil sa insidente at libo-libong mga pasahero ang stranded sa NAIA. Talaga namang napakalaking abala nito para sa mga lokal at internasyonal na turista.

Dapat ayusin ng MIAA ang sistema nito at siguraduhing disiplinado ang mga taong nagtatrabaho sa paliparan dahil kinakatawan nila ang turismo ng bansa. Sila ang unang makakadaupang palad ng mga turistang papasok sa bansa kaya napakahalagang masiguro na magiging kaaya-aya ang karanasan ng mga ito.

Kung magpapatuloy ang paglutang ng mga ganitong uri ng kuwento ukol sa paliparan, mababalewala ang pagsusumikap ng Department of Tourism na hikayatin ang mga lokal at internasyonal na turista na mamasyal sa Pilipinas. Ang lahat ng isyung ito ay malaking hadlang sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na pag-ibayuhin ang turismo sa bansa para sa muling paglago ng ating ekonomiya. Paano mahihikayat ang mga turista kung ganito ang mga uri ng kuwentong maririnig nila ukol sa kung paano natin tratuhin ang mga dayuhan sa Pilipinas. Nawa’y aksiyunan sa lalong madaling panahon ang mga isyu na ito at hindi dapat hayaang maulit pa. Ang kasiraan ng NAIA ay kasiraan ng Pilipinas sa mata ng mga dayuhan.