SINIBAK ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang pass control manager ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa isyu ng pekeng identification card na na-intercept kamakailan.
Si Ms. Edelyn P. Ang Solano ay inalis sa puwesto bilang pass control manager upang bigyang-daan ang isinasagawang imbestigasyon ng Senado, tungkol sa nahuling pekeng NAIA pass.
Nakuha ng mga awtoridad sa apat na overseas Filipino workers (OFWs) ang pass habang papasok sa boarding gate ng paliparan.
Batay sa report, ang apat na ito ay pinaniniwalaang biktima ng crypto currency scam syndicate na nag-o-operate sa Myanmar.
Ayon sa report, si Solano ay inilipat sa ibang unit habang patuloy ang isinasagawang pagdinig sa isyu.
Dahil sa nangyaring insidente ay dadaan sa butas ng karayom ang issuance ng visitors pass sa papasok sa mga terminal, at ipagbabawal sa mga empleyado ang mag-escort papasok sa loob ng terminals. Froilan Morallos