IKINATUWA ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang pag-aalis ng US Department Homeland Security (DHS) sa public notice na inisyu noong Disyembre ng nakaraang taon sa security conditions sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Tugade, ang pag-aalis sa security alert notice sa NAIA ay magpapalakas sa kumpiyansa ng mga dayuhan na bumiyahe sa Filipinas, na makatutulong naman sa ekonomiya ng bansa.
“Siyempre kung may kumpiyansa na bumagtas, bumiyahe darami ang turista,” anang kalihim.
“You can be assured that our airports are safe and secure. Our airports are competitive by way of international standards,” dagdag pa niya.
Sa isang news release na ipinalabas noong Huwebes ay iniutos ni Acting Secretary of Homeland Security Kevin K. McAleenan ang agad na pagpapawalang-bisa sa Public Notice hinggil sa security conditions sa NAIA na ipinalabas noong Disyembre.
Ipinalabas ng DHS ang notice noong Disyembre 27, 2018 makaraang matuklasan nito na nabigo ang Filipinas na maipatupad nang husto at mapanatili ang international security standards.
“After months of direct engagement with the United States, the Government of the Philippines has made significant improvements to the security operations of MNL,” ayon sa DHS.
“Both the Manila International Airport Authority and the Government of the Philippines civil aviation security authorities have demonstrated they are willing to work toward sustaining those improvements,” dagdag pa nito.
Nangako ang departamento na patuloy na makikipag-ugnayan sa pamahalaan ng Filipinas upang makatulong sa pagtiyak sa ‘strong security posture’ sa Manila at mapalakas ang global aviation security.
Ang pag-aalis sa security notice sa NAIA ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng isang interagency na pi-nangungunahan ng Manila International Airport Authority at Civil Aviation Authority of the Philippines.
Comments are closed.