NAIL BITER(Heat naungusan ang Thunder)

Jimmy Butler

PINANGUNAHAN ni Jimmy Butler ang record-breaking shooting display mula sa free-throw line nang maungusan ng Miami Heat ang Oklahoma City Thunder, 112-111, nitong Martes.

Tumapos si Butler na may perfect 23-of-23 free throws — kabilang ang clutch game-winner wala nang 13 segundo ang nalalabi — sa nail-biting victory sa FTX Arena.

Ang hinakot ni Butler ay bahagi ng pambihirang 40-for-40 free throws na ginawa ng Miami, binura ang dating record na 39-for-39 na naitala ng Utah laban sa Portland noong 1982.

Pagkatapos ay sinabi ni Butler na wala siyang ideya sa record-breaking night ng Miami mula sa foul line.

“I had no idea,” pahayag ni Butler sa mga reporter. “I’m more excited that we won this game by one point.”

Wala ring kamalay-malay si Miami coach Erik Spoelstra sa free-throw record ng kanyang koponan.

“I didn’t realize we hadn’t missed a free throw,” ani Spoelstra. “We’ve been a very good free-throw shooting team all year, but that’s crazy.”

Umangat ang Miami sa 22-20 habang nahulog ang Thunder sa 18-23.

Sa iba pang laro, magkaiba ang naging kapalaran nina Philadelphia’s Joel Embiid at Golden State’s Stephen Curry sa kanilang pagbabalik mula sa injury.

Lumiban si Sixers ace Embiid sa tatlong sunod na laro dahil sa minor foot injury papasok sa Eastern Conference clash kontra Detroit.

Subalit balik sa dating porma ang two-time MVP runner-up na may 36 points sa loob lamang ng 23 minuto sa court nang kumarera ang Philadelphia sa 147-116 panalo sa Wells Fargo Center.

Ang mga puntos ni Embiid ay nagmula sa 12-of-20 shooting, habang nag-ambag din ang Sixers big man ng 11 rebounds at 2 blocks.

Nagdagdag sina James Harden at Tyrese Maxey ng tig-16 points habang tumipa si Tobias Harris ng 14 points para sa Philadelphia na lumamang mula umpisa hanggang huli upang umangat sa 25-15.

Ang mga puntos ni Harden ay bahagi ng ikalawang sunod na triple double. Ang 10-time All-Star ay nagdagdag ng 12 rebounds at 15 assists.

Nanatili ang Philadelphia sa fifth place sa East, 3.5 games ang pagitan sa leaders Boston. Ang Detroit ay nasa ilalim na may nakadidismayang 11-33 record.

Subalit kabiguan ang nalasap ni Warriors star Curry sa San Francisco sa kanyang pagbabalik mula sa 11-game absence kontra Phoenix Suns.

Umiskor si Curry ng 24 points — kabilang ang limang three-pointers — subalit hindi napigilan ang pagkatalo ng Warriors, 125-113, sa Phoenix.

Nanguna si Mikal Bridges para sa Phoenix na may 26 points.