CAMP CRAME – IPINAGPALAGAY ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson, BGen. Bernard Banac na misunderstanding ang nangyari kina Pangulong Rodrigo Duterte at PNP Officer-In-Charge, Lt. Gen. Archie Gamboa hinggil sa presyo ng bibilihing speed guns.
Paliwanag ni Banac, ang listahan na naibigay sa Pangulo noong isang linggo kung kalian nagkaroon ng command responsibility ay hindi pa tapos.
Ginawa ni Banac ang pahayag matapos na pagpaliwanagin ni DILG Sec. Eduardo Año si Gamboa dahil sa umano’y overpriced na speed guns na planong bilhin ng PNP.
Pahayag ni Banac, hindi pa pinal ang klase ng speed guns na kanilang bibilhin dahil hindi pa ito dumaan sa vetting at bidding.
Wishlist pa lamang aniya ang kanilang iprinisinta sa Pangulo nitong Command conference kung saan gusto ng PNP na bumili ng magandang klase ng speed guns na mayroong micro digital camera laser system at may pondong aabot sa P330 milyo.
Inaprubahan naman umano ito ng Pangulo subalit nabalitaan na lamang nilang nagalit ang Punong Ehekutibo matapos na may magbigay na impormasyong P10,000 per unit lang naman umano ang speed guns sa Davao at hindi P950,000 per unit na nakarating sa Pangulo.
Kahapon ay nakapagpaliwanag na si Gamboa sa DILG. REA SARMIENTO
Comments are closed.