PUSPUSAN na ang ginagawang imbestigasyon ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) kung papaanong naipasok sa bansa ang mga nakaimbak na imported rice sa anim mula sa labing isang warehouse na una nang ni-raid at nakandado na ng awtoridad.
Matatandaan na noong Oktubre 3 nang magsagawa ng raid ang DOF, BIR at BOC sa 11 warehouse sa Guiguinto, Bulacan makaraang mapag-alaman na hindi nagbabayad ng tamang buwis ang mga kompanyang may-ari nito.
Ayon kay Finance Assistant Secretary Tony Lambino, tinatayang nasa 250,000 na kilo ng imported rice mula sa Vietnam at Myanmar ang nakita sa anim na warehouse na ito, ngunit bigong makapagpakita ng import document ang mga ito.
Nagpapatuloy aniya ang ginagawa nilang imbestigasyon lalo at bigong maipaliwanag ng mga ito kung saan nanggaling, paano naipasok sa bansa at kung magkano ang binayaran nilang taripa.
Kailangan aniyang matukoy kung sa papaanong paraan naipasok sa bansa ang mga imported product na ito upang maipatigil ang anumang ilegal na mekanismo na nasa likod nito.
Comments are closed.