PARA sa mga ambisyosong negosyante na maliit ang capital, patok na patok ngayon ang “franchising business”.
Bukod sa maliit na halaga, ang maayos na pagpili ng uri at brand name ng negosyong nais i-franchise ay dahilan rin para makaiwas ang mga negosyante sa maagang pagkabigo o “bankruptcy”.
Ito’y dahil sa pangalan ng franchise na binabayaran na kilala na ng publiko, bukod pa sa tulong ng kumpanya para sa marketing at pagsasanay sa mga tauhan.
Ngunit bago pumasok sa isang “franchising business”, dapat rin munang intindihin at ikunsidera ang ilang mga bagay para maging tiyak ang tagumpay:
Background check – dapat alamin kung ang franchise na kukunin ay kilala na sa industriya, kasalukuyang kumikita at inaasahang kikita pa sa mga darating na taon.
Franchise owner – alamin kung may kredensyal nga ang mga may-ari sa ipinagmamalaki nilang kikitain mo sa kanilang negosyo.
Mas magandang alamin kung ang mga may-ari ng isang prangkisa ay may matagal nang karanasan sa uri ng negosyo at pinagkakatiwalaan ng marami.
Business model – alamin ang uri ng modelo ng negosyo na patatakbuhin at kung makakaya ba na mapatakbo ito sa loob ng 44 na oras kada linggo.
Laki ng empleyado – alamin kung kayang patakbuhin ang prangkisa sa maliit na bilang ng tauhan habang nakatutok ka sa ibang aspeto ng pagpapatakbo nito.
Lokasyon – isa sa pinakaimportanteng aspeto. Kailangan patok sa mga tao sa lugar ang negosyong kukunin. Marami sa mga nagnenegosyo ng prangkisa ang nalulugi dahil sa hindi akmang lokasyon o kaya naman ay talamak na ito sa napiling lugar.
Susi pa rin ng matagumpay na negosyo, maging prangkisa o sarili ay kasipagan at maging tapat sa customer.