INIULAT kahapon ng Commission on Elections (Comelec) na nasa 10 kaso na ng vote buying o pamimili ng boto, ang naisampa sa kanilang legal department, kaugnay ng midterm elections sa Lunes, Mayo 13.
Ayon kay Comelec-anti-vote-buying task force head, Director John Rex Laudiangco, nakikipag-ugnayan na rin naman sila sa National Prosecution Service ng Department of Justice (DOJ) para matukoy ang bilang ng mga kahalintulad na reklamo na isinampa sa mga piskalya sa bansa.
Matatandaang una nang inilunsad ng Comelec ang nasabing task force na ang layunin ay mapabilis ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso sa mga insidente ng pamimili ng boto.
Salig sa itinatakda ng batas, ang sinumang mapapatunayang sangkot sa pamimili ng boto ay maaring mabilanggo mula isa hanggang anim na taon, maharap sa diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang puwesto sa gobyerno at matatanggalan pa ng karapatang makaboto.
Sa kabilang dako, sa panig naman ni Presidential Anti-Corruption Commissioner Greco Belgica, nabatid na mayroon na rin silang 15 ulat ng vote buying, na kasalukuyan na nilang ipinoproseso para sa posibleng paghahain ng reklamo sa Comelec.
Ang mga ito aniya ay mula umano sa Pasay, Manila, Muntinlupa, Misamis Occidental, at Santiago City, Isabela. ANA HERNANDEZ
Comments are closed.