(Naitala ng BOC noong Abril) P3-B COLLECTION SURPLUS

NAHIGITAN ng Bureau of Customs (BOC) ang revenue collection target nito ng P3.192 billion noong Abril.

Sa preliminary data na inilabas nitong Lunes ay lumitaw na ang BOC ay nakakolekta ng kabuuang P80.822 billion, nalampasan ang collection goal nito na P77.630 billion.

Ayon kay Commissioner Bienvenido Rubio, ang kahanga-hangang collection performance ng ahensiya ay sanhi ng ilang salik, kabilang ang pinaigting na rate of assessment. Nagsagawa rin ito ng trade facilitation initiatives sa pamamagitan ng workshops, conferences, at international engagements.

Ang pinaigting na kampanya ng BOC laban sa smuggling ay nagresulta rin sa makabuluhang seizures sa first quarter ng 2024.

“By diligently executing our duties, we aim to not only meet revenue targets but also to catalyze socio-economic development initiatives that positively impact the lives of our countrymen,” sabi ni Rubio.

“We strive to create a brighter future for all Filipinos, ensuring that the benefits of our efforts are felt across communities,” dagdag pa niya.

Naging maganda rin ang performance ng BOC sa unang apat na buwan ng 2024. Mula January hanggang April, ang BOC ay nakakolekta ng P299.674 billion na revenue, nahigitan ang target collection nito na P288.526 billion ng 3.86 percent.

Ang surplus ay nagkakahalaga ng P11.148 billion na may pagtaas na 6.50 percent o P18.292 billion kumpara noong nakaraang taon.

(PNA)