(Naitala ng BOI mula Enero hanggang Abril) P607.22-B INVESTMENT APPROVALS

NAKAPAGTALA ang Board of Investments (BOI) ng P607.22 billion na halaga ng proyekto mula Enero hanggang Abril 17 ngayong taon.

Ayon kay BOI Director Sandra Marie Recolizado, halos kalahati na ito ng mga nakarehistrong proyekto para sa buong taon ng 2023, na nagkakahalaga ng P1.26 trillion.

Aniya, ang approved investments sa nakalipas na apat na buwan ay mas mataas ng 15 percent kumpara sa P527.24 billion na naiposte sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Ang investment approvals mula Enero hanggang Abril ay katumbas din ng 40 percent ng higher end ng target registration ng BOI para ngayong taon na P1.5 trillion.

Ayon kay Recolizado, ang investment commitments sa halos apat na buwan ay nagmula sa 117 proyekto, karamihan ay mula sa local sources.

Walumpu’t isang porsiyento ng investment pledges ay nagmula sa Filipino sources, na may total latest BOI approvals na nagkakahalaga ng P494.37 billion.

“Let’s not underestimate domestic investments because that’s why we really encourage our domestic investors to commit their capital to projects in the Philippines rather than bringing out their money, their capital outside the Philippines,” wika ni Trade Secretary at BOI chair Alfredo Pascual.

Samantala, binanggit ni Recolizado ang dalawang big-ticket investments sa kasalukuyan, na kapwa renewable energy projects.

Ang top approved investment para sa naturang panahon ay ang P297-billion Pakil Pumped Storage Hydroelectric Power Plant ng Laguna province of Ahunan Power, Inc., na isang 100-percent Filipino enterprise, habang ang second highest BOI-approved investment ay ang Ivisan Windkraft Corp.’s 450-MW Frontera Bay Wind Power Project sa Cavite province, na isang 75-25 Singaporean-Filipino investment. (PNA)