INIULAT ng Department of Agriculture (DA) na pumalo sa P15.30 billion ang kabuuang pinsala sa agrikultura ng El Niño phenomenon, na nakaapekto sa 333,195 magsasaka at mangingisda sa 15 rehiyon sa buong bansa.
Batay sa final bulletin ng DA-Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Operations Center, ang pinsala sa mga pananim ay nasa 784,344 metric tons (MT), na naitala sa 270,855 ektarya ng agricultural land.
Ang mga ito ay naitala sa Cordillera at Ilocos Regions, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Central Mindanao, Davao Region, Soccsksargen at Caraga.
Ang pinakamalaking pinsala ay iniulat sa corn production na nagkakahalaga ng P5.94 billion; sumunod ang bigas sa P5.93 billion; high-value crops sa P3.27 billion; at cassava sa P55.63 million.
Iniulat din ng DA-DRRM ang P52.44 million na halaga ng pagkalugi sa fisheries sector na nakaapekto sa 2,679 mangingisda, gayundin ang P37.97 million na pagkalugi sa 25,547 heads sa livestock at poultry industry; at P9.80 million na pagkalugi sa coconut production.
“To address the adverse effects of El Niño in the agriculture and fisheries sector, the Department of Agriculture has provided interventions worth at least PHP14.54 billion to affected farmers and fisherfolk,” pahayag ng DA-DRRM sa isang statement.
Kabilang dito ang P8.59 billion na financial aid sa 1,431,823 magsasaka sa buong bansa sa pamamagitan ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA); P4.72 billion na halaga ng production support at financial assistance sa mga magsasaka, mangingisda, at farmers cooperatives and associations (FCAs); at P659.17 million na halaga ng agricultural inputs.
Nagbayad-pinsala rin ang DA sa 56,112 magsasaka sa pamamagitan ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), sa halagang P452.56 million; habang may 66,039 native animals na nagkakahalaga ng P18.08 million ang ipinamahagi sa 604 magsasaka sa buong bansa.
May P99.38 million na halaga ng Survival and Recovery (SURE) aid loan ang ipinagkaloob din sa pamamagitan ng Agricultural Credit Policy Council.
ULAT MULA SA PNA