INIULAT ng Department of Health (DOH) na nakapagtala sila ng mahigit 1,000 bagong kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa bansa nito lamang Hunyo.
Ayon sa Epidemiology Bureau ng DOH, umaabot sa kabuuang 1,006 newly confirmed HIV-positive individuals ang naitala ng HIV/AIDS & ART Registry of the Philippines (HARP) sa nasabing buwan.
Sa nasabing bilang, 194 kaso o 19% ang may clinical manifestations ng advanced HIV infection noong panahong ma-diagnosis ito.
Ayon sa DOH, ang naturang bilang ay mas mataas sa 993 HIV cases lamang na naitala nila sa kahalintulad na petsa mg nakaraang taon.
Nananatili namang ang sexual contact ang pangunahing dahilan kung bakit dinapuan ng sakit ang mga biktima, na umabot sa 983 kaso o 98% ng kabuuang bilang.
Ang iba pa namang modes of transmission ay sharing of infected needles na bumiktima ng siyam na katao at mother-to-child transmission na may tatlong kaso habang ‘di naman batid ang dahilan nang pagkahawa ng sakit ng 11 sa mga pasyente.
“Among the newly diagnosed females this month, five were pregnant at the time of diagnosis. Two cases each were from NCR (National Capital Region) and Region 7 (Central Visayas), and one case was from Region 6 (Western Visayas),” anang ulat.
Ayon sa DOH, karamihan sa mga bagong kasong naitala ay mula sa NCR (346 cases); kasunod ang Calabarzon (155 cases), Central Luzon (114 cases); Central Visayas (78 cases), at Western Visayas (56 cases).
“The first case of HIV infection in the Philippines was reported in 1984. Since then, there have been 68,401 confirmed HIV cases reported to the HARP,” anang DOH. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.