KUMPIYANSA ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na makakamit nito ang P200-billion investment target para ngayong taon dahil ang investment approvals ay umabot na sa P186.09 billion hanggang Nob 13.
Sa isang statement, sinabi ng PEZA na nahigitan na nito ang P175.71 billion full year 2023 investment approvals.
Mas mataas din ito ng 32 percent kumpara sa P140.884-billion investments sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Mula Enero 1 hanggang Nob. 13, inaprubahan ng PEZA Board ang 222 new at expansion projects na tinatayang makalilikom ng mahigit USD3 billion na exports, at lilikha ng 60,000 direct jobs.
Kabilang sa mga inaprubahang proyekto ang apat na big-ticket locator projects na nagkakahalaga ng P60.24 billion, at isang domestic market enterprise na may P50 billion investments.
Ayon sa PEZA, ang Elmer Francisco Motor Corporation ay may kinalaman sa manufacturing at assembly ng electric vehicles, parts, at components sa Camarines Norte.
Isang domestic market enterprise at export enterprise ang magtatayo ng liquid fuel depot sa Cebu at magma-manufacture ng karagdagang vehicle parts at components sa Batangas.
Sinabi ng PEZA na isang P4-billion new ecozone development project ang inaprubahan din at matatagpuan sa Concepcion, Tarlac.
Para sa Nobyembre lamang, ang PEZA Board ay nakapag-apruba ng 24 new at expansion projects na may kabuuang halaga na P62.341 billion.
Ang mga proyektong ito ay inaasahang makalilikom ng USD300 million na exports at lilikha ng mahigit 20,000 trabaho.
Sa mga ito, 12 ang may kinalaman sa export activities, anim sa information technology activities, dalawa sa domestic market-oriented projects, at tig-iisa sa facilities, logistics, utilities, at ecozone development sa buong National Capital Region, Region IV-A, Region III, V, VII, at X.
“The PEZA Board’s approval of the PHP62.341 billion investments during our first Board meeting this month brings us closer to our goal of driving further growth and innovation in the country with the continued entrance of both local and foreign investments into the ecozone ecosystem,” sabi ni PEZA Director General Tereso Panga.
“Surpassing the previous year’s investment acquisition performance is a clear sign of the confidence of both international and local investors in our current economy and policies as charted by President Ferdinand R. Marcos Jr. Similar to last year, we are poised to meet the projected investment and expansion target we have set at PHP200 billion as we close this year,” dagdag pa niya. ULAT MULA SA PNA