MAY kabuuang P12.537 billion na halaga ng investment pledges ang naitala ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) sa first quarter ng 2023.
Ayon sa PEZA, ang investments na nairehistro sa unang tatlong buwan ng taon ay lumago ng 53.99% year-on-year.
Sinabi ni PEZA Director General Tereso Panga na ang pagtaas sa investment pledges mula Enero hanggang Marso ay indikasyon na nasa tamang direksiyon ang ahensiya sa pagtamo ng target nitong 10% na pagtaas sa investments ngayong taon.
Tinatarget ng investment promotion agency ang i10% pagtaas sa investments ngayong 2023 mula P140.7 billion na naitala noong nakaraang taon.
Ayon kay Panga, para sa period, inaprubahan ng PEZA ang kabuuang 42 bago at expansion projects ng ecozone locators at developer/operators na nagkakahalaga ng higit P12 billion.
Sa 42 proyekto, 40 ang locator projects na may P8.188 billion investments at dalawa ang developer projects na may P4.349 billion, para sa kabuuang P12.537 billion investments.
Ang mga proyekto ay mas mataas ng 44.83% kumpara sa 29 proyekto na inaprubahan sa first quarter ng 2022.
Dagdag pa ng PEZA chief, ang mga proyekto ay inaasahang lilikha ng $616.585 million exports at 5,236 direct employment.