(Naitala ng PH noong Agosto) $4.38-B TRADE DEFICIT

LUMAKI ang trade deficit ng bansa noong Agosto sa annual basis, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Subalit month-on-month, ang trade deficit noong Agosto ay mas maliit kumpara noong Hulyo.

Ang total external trade in goods ng bansa ay nagkakahalaga ng $17.87 billion noong Agosto ngayong taon, tumaas ng 1.8 percent mula $17.56 billion total external trade noong Agosto ng nakaraang taon.

Ayon sa PSA, sa kabuuan, 62.2 percent ang imported goods, habang ang nalalabing 37.8 percent ay exported goods.

Ang export sales ay nagkakahalaga ng $6.75 billion, habang ang kabuuang halaga ng imported goods ay $11.12 billion– nangangahulugan na ang bansa ay may deficit na $4.38 billion.

Ang trade deficit noong Agosto ay mas mataas ng 6.6 percent kumpara sa $4.1 billion deficit na naiposte sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Gayunman, ang trade gap noong Agosto ay mas mababa pa rin kumpara sa $4.88 billion trade deficit noong Hulyo.

Ang pinakamalaking export ng bansa ay ang electronics, sununod ang other manufactured goods, mineral products, machinery and others.

Ang malaking bahagi ng exported goods ay napunta sa United States, na siyang pinakamalaking export market para sa Pilipinas. Ang US ay bumili ng $1.22 billion na Philippine-made goods noong Agosto. Sumunod sa US ang Hong Kong, Japan at China.

Samantala, ang China ang pinakamalaking supplier ng bansa ng imported goods na nagkakahalaga ng $2.79 billion o 25.1 percent ng total imports ng bansa noong Agosto. Sumunod sa China ang Indonesia, South Korea, Japan at US.