NAGTALA ang Pilipinas ng balance of payments (BOP) surplus noong Agosto, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa datos na inilabas ng BSP noong Huwebes, ang BOP position noong nakaraang buwan ay nagtala ng surplus na USD88 million, isang reversal mula USD57 million BOP deficit na naiposte noong August 2023.
“The BOP surplus in August 2024 reflected inflows mainly from the net income from the Bangko Sentral ng Pilipinas’ investments abroad,” ayon sa central bank.
Ang BOP ay ang kabuuan ng economic transactions ng isang bansa sa iba pa sa mundo para sa isang ispesipikong panahon.
Ang overall position ay maaaring sa surplus, deficit o balance.
Mula Enero hanggang Agosto ngayong taon, ang BOP position ay nagtala ng surplus na USD1.6 billion, mas mababa kumpara sa USD2.1 billion surplus sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
“Based on preliminary data, this cumulative BOP surplus reflected mainly the narrowing trade in goods deficit alongside the continued net inflows from personal remittances, trade in services, net foreign direct investments, net foreign borrowings by the National Government, and net foreign portfolio investments,” paliwanag ng BSP.
Sa preliminary data mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang trade deficit mula Enero hanggang Hulyo 2024 ay umabot sa USD29.9 billion, bumaba mula sa USD31.8 billion sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Samantala, sinabi ng BSP na ang BOP position ay nagpapakita ng pagtaas sa final gross international reserves (GIR) level sa USD107.9 billion hanggang end-August 2024 mula USD106.7 billion hanggang end-July 2024.
“The latest GIR level represents a more than adequate external liquidity buffer equivalent to 7.8 months’ worth of imports of goods and payments of services and primary income,” ayon sa BSP.
Ito rin ay anim na beses ng short-term external debt ng bansa base sa original maturity at 3.8 beses base sa residual maturity.