NAGTALA ang balance of payments (BOP) position ng bansa ng surplus na USD4.4 billion mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa datos na inilabas ng BSP noong Martes, ang pinagsama-samang BOP ay tumaas mula USD3.2 billion surplus sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ang BOP ay ang kabuuan ng economic transactions ng isang bansa sa iba pa sa mundo para sa isang partikular na panahon.
Ang overall position ay maaaring sa surplus, deficit, o balance.
“The surplus reflected in part the continued net inflows from personal remittances, trade in services, and net foreign borrowings by the NG (National Government),” ayon sa central bank.
Dagdag pa ng BSP, ang net foreign direct at portfolio investments ay nag-ambag sa BOP surplus.
Gayunman, noong Oktubre, ang overall BOP position ay nagtala ng deficit na USD724 million, isang reversal mula USD1.5 billion surplus sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
“The deficit in October reflected the National Government’s net foreign currency withdrawals from its deposits with the BSP to settle its foreign currency debt obligations and pay for its various expenditures,” ayon sa BSP.
Samantala, sinabi ng BSP na ang BOP position ay sumasalamin sa pagbaba sa gross international reserves (GIR) level mula USD112.7 billion hanggang end-September sa USD111.1 billion hanggang end-October.
“The latest GIR level represents more than adequate external liquidity buffer equivalent to 8.0 months’ worth of imports and payments of services and primary income.”
Ito rin ay 4.4 beses ng short-term external debt ng bansa base sa residual maturity.