(Naitala ng PH sa Q3) $3.7-B BALANCE OF PAYMENTS SURPLUS

NAGTALA ang Pilipinas ng balance of payments surplus na $3.7 billion sa third quarter ng 2024, isang reversal mula sa $524 million deficit sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sinabi ng BSP na ang malaking pagtaas sa net inflows sa financial account ay nagresulta sa BOP surplus, sa kabila ng mas malaking deficit sa current account.

Ayon sa central bank, ang current account deficit sa third quarter ay umabot sa $5.7 billion, mahigit dalawang beses ang itinaas sa $2.2 billion deficit na naitala sa kaparehong panahon noong 2023, dahil sa mas malaking trade in goods gap at mas mababang net receipts sa trade in services at primary income accounts.

Ayon pa sa BSP, ang gross international reserves ng bansa ay umabot sa $112.7 billion hanggang end-September 2024, mas mataas sa $98.1 billion level na naitala sa pagtatapos ng September 2023.

Ang Pilipinas ay nagtala rin ng balance of payments surplus sa second quarter ng taon.