PUMALO sa P1.61 trillion ang kabuuang budget deficit ng bansa noong 2022, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).
Gayunman ay mas mababa ito sa P1.67 trillion shortfall na naitala noong 2021, at pasok sa programmed deficit na P1.65 trillion.
Ayon sa BTr, nakakolekta ang pamahalaan ng P3.55 trillion revenues noong 2022, subalit umabot ang government spending sa P5.16 trillion.
“The fiscal outturn was driven by revenue growth of 17.97 percent outpacing the 10.35 percent expansion in government spending,” ayon sa BTr.
Samantala, lumaki ang budget deficit ng bansa sa P378.4-billion noong Disyembre ng nakaraang taon.
Mas mataas ito ng 11.94 percent kumpara sa gap na naitala sa kaparehong buwan noong 2021.
Sinabi ni RCBC economist Michael Ricafort na ang budget deficit na naiposte noong Disyembre ang pinakamalaking naitala sa monthly basis, at mas malaki rin kumpara sa P123.9 billion noong Nobyembre.
Ayon kay Ricafort, isa sa risk factors na bahagyang nagresulta sa month-on-month widening ng budget shortfall ay ang mas mataas na inflation, dahil ang mas mataas na presyo ay maaaring nangailangan ng mas malaking government spending.