(Naitala noong Abril) P66.8-B BUDGET SURPLUS

NAKAPAGTALA ang Pilipinas ng P66.8 billion budget surplus noong Abril, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).

Mas mataas ito sa P4.9 billion surplus sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Dahil dito, ang cumulative deficit para sa taon ay bumaba ng 34.7 percent sa P204.1 billion kumpara sa unang apat na buwan ng 2022.

Ayon sa BTr, ang government collections noong Abril ay nasa P440.7 billion, tumaas ng 26.7 percent, na nagdala sa revenue para sa January-April period sa P1.3 trillion.

Kabuuang P1.1 trillion ng total collections o 89.18 percent ay mga buwis.

Ang April collection ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ay lumago ng 40.2 percent sa P336 billion sa likod ng pagpapatupad ng Revenue Memorandum Circular No. 5-2023 kaugnay sa Section 37 ng TRAIN Law, na nag-aatas sa paghahain ng quarterly VAT returns sa loob ng 25 araw kasunod ng pagsasara ng bawat taxable quarter.

Sa pagtatapos ng Abril, ang kabuuang koleksiyon ng BIR ay umabot sa P841.2 billion.

Samantala, ang koleksiyon ng Bureau of Customs (BOC) ay lumago ng 2.9 percent sa P67.6 billion, na naghatid sa unang apat na buwan ng koleksiyon nito sa P281.4 billion.