(Naitala sa January-September period, gov’t target nahigitan) P641.5-B INFRA SPENDING

NAHIGITAN ng national infrastructure spending mula Enero hanggang Setyembre ang nakaprogramang paggasta sa naturang panahon, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).

Iniulat ng DBM ang infrastructure at capital outlays na P71.2 billion sa Setyembre, na isang 25% annual growth. Bunga nito, ang year-to-date spending hanggang end-September ay pumalo sa P641.5 billion, mas mataas ng 42.1% kumpara noong nakaraang taon.

Nahigitan ng naturang numero ang nakaprogramang paggasta para sa nine-month period na P589.3 billion ng P52.2 billion o 8.9%.

“This is due to the settlement of accounts payables and faster implementation of infrastructure activities of the DPWH (Department of Public Works and Highways) amid the looser community quarantine restrictions,” paliwanag ng DBM.

Kabilang sa mga proyekto ng DPWH na binanggit ay ang aviation and rail transport foreign-assisted tulad ng Tacloban, Kalibo at  Bukidnon Airport Projects, at Metro Manila Subway Project Phase I.

“Infrastructure and capital outlays primarily contributed to over half the ₱353.6 billion jump in national government disbursements for the first three quarters of 2021,” ayon sa DBM.

Ang total public expenditure hanggang end-September ay naitala sa P3.37 trillion — tumaas ng11.7% year-on-year. Gayunman ay mas mababa pa rin ito ng  5.2% o P186.1 billion kumpara sa target na expenditure na P3.56 trillion.

Ito, ayon sa DBM, ay dahil sa interest payments, maintenance spending, subsidy, personnel expenses, at  equity expenditures na mas mababa sa programmed disbursements para sa unang siyam na buwan ng taon.