IBINIDA ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. ang record-high palay production sa bansa sa kabila ng mga epekto ng El Niño phenomenon at global challenges.
”Sa kabila ng hamon na ating kinakaharap, nasaksihan natin ang pinakamataas na ani ng palay sa bansa nitong nakalipas na taon. Pumalo ito sa lagpas dalawampung milyong tonelada, pinakamataas na ani mula 1987,” pahayag ng Pangulo sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA).
Gayunman, iniulat ni Marcos na katumbas lamang ito ng 13 million metric tons ng bigas, kapos sa 16 million MT na pangangailangan ng bansa, na nagtulak sa importation.
Nangako ang Chief Executive na bibigyang prayoridad ang pagpapalakas sa local production at pagpapahusay sa buong value chain sa agriculture sector upang matugunan ang tumataas na presyo ng retail rice.
”Lokal na produksyon pa rin ang ating bibigyan ng halaga. Kaya patuloy nating sinusuportahan ang sektor ng agrikultura upang mapabilis, mapadali at mapalakas ang produksyon,” dagdag pa ni Marcos.
Nangako rin si Marcos na ipagpapatuloy ang Kadiwa centers sa buong bansa upang magkaloob ng mas murang bigas at basic commodities sa mga Pilipino.
Sa pamamagitan ng Kadiwa centers, ang vulnerable sectors na kinabibilangan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pilipino Program (4Ps), senior citizens, solo parents, at persons with disabilities (PWDs) ay nakakuha ng access sa P29 kada kilong bigas.
Samantala, binanggit ng Chief Executive ang patuloy na pagkilos ng pamahalaan upang malabanan ang illegal price manipulations at agricultural smuggling sa bansa, country, sa pagkakakumpiska ng may P2.7 billion na halaga ng smuggled agricultural commodities.
“We were constrained to temporarily implement mandated price ceilings of rice. We also extended the reduced tariff rates on the importation of rice, corn, and pork until the end of this year,” dagdag ni Marcos, at sinabing pansamantalang hakbang lamang ito upang mapagaan ang epekto nito.