NAGTALA ang balance of payments (BOP) ng bansa ng surplus na $238 million sa first quarter ng 2024, mas mababa sa $3.7 billion surplus sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang first quarter surplus ay dahil sa net inflows sa financial account na bahagyang pinahupa ng outflows sa current account.
Ang current account deficit ay bumaba sa likod ng mas mataas na exports sa electronic products, copper concentrates at coconut oil habang lumamig ang imports, partikular sa telecommunication equipment and electrical machinery, coal and coke, passenger cars and motorized cycle, at petroleum crude.
“The main driving factor, if you look at the reduction of value of imports, was really driven by the price component of the value. There’s a price reduction in imports that’s why the total value decreased,” sabi ni BSP Department of Economic Statistics Senior Director Redentor Paolo Alegre Jr.
“While if you look at exports, it was driven by the volume of exports that drove higher export values in the Philippines,” dagdag pa niya.
Naitala rin ang mas mababang net receipts para sa trade sa services kung saan mas marami ang transaksiyon sa travel, financial services, at technical services.
Tinaya ng BSP na mananatili ang BOP ng bansa sa surplus sa 2024 hanggang 2025 sa paglago ng exports at investments, gayundin ng global economic activity.
Inaprubahan ng Monetary Board ang mas mataas na BOP surplus forecast na $1.6 billion para sa 2024 mula sa naunang pagtaya na $700 million.
Itinaya rin ng BSP ang $1.5 billion BOP surplus para sa 2025 mula sa naunang projection nito na $500 million deficit.