(Naitala sa Q3) P146.75-B FOREIGN INVESTMENT PLEDGES

TUMAAS ang foreign investment pledges na tinanggap ng investment promotion agencies (IPAs) sa third quarter ng taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa preliminary data ng PSA ay lumitaw na ang halaga ng foreign commitments na inaprubahan ng IPAs ay tumaas ng 434.4% year on year sa P146.75 billion sa July-September period mula P27.46 billion sa kaparehong panahon noong 2023.

Sa kabila ng annual growth, ang halaga ay pinakamababa sa investment commitments magmula noong third quarter ng 2023.

Quarter on quarter, bumaba rin ito ng 22.56% mula P189.5 billion sa second quarter.

Ang South Korea ang top source ng foreign investment pledges sa third quarter na may P53.72 billion (36.6%), sumunod ang Switzerland na may P51.84 billion (35.3%), at Japan na may P15.96 billion (10.9%).

Tinitipon ng PSA ang investment pledges na inaprubahan ng anim na IPAs ng pamahalaan: Board of Investments (BoI), BoI-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BoI-BARMM), Clark Development Corp. (CDC), Cagayan Economic Zone Authority (CEZA), Philippine Economic Zone Authority (PEZA), at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).

Inaprubahan ng BoI ang P70.34 billion na foreign investment pledges, na bumubuo sa 47.93% ng kabuuan para sa third quarter.

Ang PEZA ay nag-apruba ng P58.38 billion na halaga ng foreign investment pledges, na bumubuo sa 39.78% ng kabuuan.

Samantala, ang CDC ay may P14.66 billion; BoI-BARMM, P86.7 million; SBMA, P53 million; at ang CEZA ay may P3.24 million.

Ang Calabarzon Region ang bumubuo sa 40.1% ng foreign investment pledges na may P58.86 billion, habang ang Bicol Region ay may P51.84 billion at Central Luzon, P15.2 billion.

Ang manufacturing industry ang tumanggap ng pinakamalaking approved pledges na may P70.57 billion, sumunod ang electricity, gas, steam, and air-conditioning supply industry na may P51.92 billion, at real estate activities na may P13.13 billion.