PANSAMANTALANG kinansela ng Bureau of Correction (BuCor)ang dalaw matapos na ilagay sa Red Alert sanhi ng naganap na pamamaril sa loob ng quadrant ng Maximum compound at pagkadiskubre sa isang bangkay ng Persons Deprived of Liberties (PDL) sa septic tank ng National Bureau of Prisons (NBP).
Bago ang pamamaril nagkaroon muna ng alitan o away sa pagitan nang dalawang PDL na miyembro ng bahala gang at batang city jail sa Quadrant 3.
Base sa ulat nakisimpatiya naman sa away ng dalawa ang isa pang PDL hanggang sa magpaputok ito ng baril.
Dahil dito, siyam na PDL ang nasugatan sa insidente kung saan ay agad namang dinala sa pagamutan ang mga sugatan para malapatan ng lunas.
Narekober ang kalibre 45 na baril at pansamantalang sinibak ang duty officer habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Kaugnay nito, sinisiyasat din ang isa pang insidente ng pananaksak gamit ang ice pick na ikinamatay ng isang isa namang PDL habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon kung ang naturang insidente ay may kaugnayan sa naganap na pamamaril.
Nakatakda namang kumpirmahin ng National Bureau of Correction base sa pahayag ni Bureau of Correction Chief Ret. Gen. Gregorio Pio Catapang Jr. kung ang PDL na si Michael Angelo Cataroja ang bangkay sa septic tank na nawawala noon Hulyo 15 matapos matuklasan sa tulong ng K-9 dogs.
Hinala ng BuCor na posibleng marami pang nakalubog na bangkay sa septic tank dahil noong 2019 pa maraming PDL ang nawawala sa maximum compound.
EVELYN GARCIA