TOTOONG nakaaalarma na ang mga nangyayaring patayan sa ilang lugar sa bansa.
Karamihan sa mga biktima ay mga lokal na opisyal.
Para bang balewala na lamang ang pagpatay at parang bumabaril lamang ng ibon o hayop.
Bumubulagta ang target sa isang iglap na animo’y tagpo sa pelikula kung saan lalapitan ng gunman ang kanyang target at babarilin.
Sa ilang tagpo o krimen, uubusin ang bala ng kanyang baril.
Kahit nakabulagta na, lalapitan pa at raratratin.
Ang pinakahuling biktima o napatay ay si Negros Oriental Gov. Roel Degamo at walong iba pa, matapos lusubin ang bahay ng gobernador bago pinagbabaril nang walang habas habang namamahagi ng ayuda.
Apat agad ang nasakote sa krimen na sina Joric Garido Labrador, Joven Calibjo Aber, Benjie Rodriguez at Osmundo Rojas Rivero habang isa naman ang napatay.
Nagdudulot ng takot at pangamba sa publiko ang sunod-sunod na krimen.
Walang takot na pumapasok sa tahanan ng target ang mga salarin at tinitiyak na hindi sasablay ang masamang misyon.
Pawang nakasuot ng military uniform ang mga pumaslang kay Degamo.
Hindi na bago sa ating pandinig ang mga ganitong kaso.
Kung maaalala kasi, tinambangan naman si Mayor Ohto Montawal ng Datu Montawal, Maguindanao del Sur sa Roxas Blvd., Pasay City kamakailan.
Sinasabing kagagaling lang sa isang meeting sa Manila Hotel ang alkalde lulan ng isang van nang dikitan ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo at walang awang pinagbabaril.
Masuwerteng nakaligtas si Montawal at sa braso lamang ito tinamaan.
Noong nakaraang buwan naman, inambus si Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong.
Natakasan ng gobernador ang kamatayan pero nasawi ang apat na police escort.
Makaraan ang ilang araw, si Vice Mayor Rommel Alameda ng Aparri, Cagayan naman ang napatay sa ambush.
Mismong si Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang nagsabi na naniniwala siyang politika ang nasa likod ng pagpatay naman kay Degamo.
Nangako si PBBM na gagawin ng administrasyon ang lahat para madakip at maparusahan ang lahat ng mga salarin.
Wala pang halalan pero matindi pa rin ang bangayan sa politika.
Kahit kasi walang eleksiyon, namamayani ang private armed groups o PAGS na madalas ay naghahasik ng karahasan para ang pinaglilingkurang politiko ang mamayani at manatili sa puwesto.
Nababalot ng sindak ang mamamayan dahil sa mga krimeng ito.
May mga ulat na marami pa ring politiko ang nagmimintina ng armadong grupo sa bansa.
Malaking hamon ito sa Phil. National Police (PNP) at nararapat lansagin ang mga ito para matiyak ang mapayapang komunidad.
Sa totoo lang, kapag nanatiling aktibo ang mga armadong grupo ay mangingibabaw ang karahasan at dadanak ang dugo lalo na sa lugar ng mga magkakalabang angkan.
Dapat paigtingin ang kampanya kontra kriminalidad ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) at samsamin din ang mga nagkalat na hindi lisensiyadong baril.