(Nakaamba ngayong Pebrero) DAGDAG-SINGIL SA KORYENTE

INAASAHAN ang pagtaas sa singil sa koryente ngayong Pebrero.

“While we have yet to receive all the billings from our suppliers, initial indications show that there may be an upward pressure for electricity bills this month,” ayon kay  Manila Electric Company (Meralco) spokesperson Joe Zaldarriaga.

Ani Zaldarriaga, ito ay dahil sa pagpapatuloy ng koleksiyon ng  feed-in tariff allowance o FIT-All, na makikita sa bill ngayong buwan, tulad ng ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Ang FIT-All ay isang uniform charge na sinisingil sa lahat ng  on-grid electricity consumers, at bahagi ng electricity bill, na tumitiyak sa paglinang at pagsusulong sa renewable energy (RE) sa bansa.

Ang koleksiyon ng FIT ay magreresulta sa karagdagang P0.0364 per kilowatt hour (kWh) sa singil sa koryente.

Sinabi pa ni Zaldarriaga na posible ring tumaas ang generation charge sanhi ng pagmahal ng fuel o panggatong, partikular ang  imported liquefied natural gas (LNG) na ginagamit ng gas-fired power plants.

“We hope, however, that this will somehow be mitigated by lower WESM (Wholesale Electricity Spot Market) prices, as well as the lower energy demand due to the cool weather during the January supply month,” dagdag pa ni Zaldarriaga.

Nakatakdang ianunsiyo ng Meralco ang final rates ngayong linggo.