MAY malakihang pagtaas sa presyo ng ilang bilihin ang inaasahan sa susunod na buwan, ayon sa isang grupo ng supermarket owners.
Sa panayam ng Teleradyo, sinabi ni Philippine Amalgamated Supermarkets Association President Stephen Cua na 10 kompanya ang nag-abiso na magtataas ng presyo ng kanilang mga produkto.
Aniya, kabilang dito ang sabon, shampoo, kape, instant noodles, de-lata at gatas.
“Malaki ang increase ng mga items na ‘to,” sabi ni Cua, na pinayuhan ang mga consumer na pumili na lang ng ibang brand ng naturang mga produkto kung namamahalan.
“You can shift, you can substitute, you can think of ways to get around it. Iwasan na ‘yong masyadong malaki ang itinaas na brands o products na nakasanayan natin,” sabi pa niya.
Paliwanag ni Cua, wala nang magawa ang mga kompanya kundi ang magtaas ng presyo makaraang magtiis noon para hindi lumipat sa ibang brand ang kanilang mga customer.
Nauna nang nagpahayag ng pagkabahala ang naturang grupo sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng ilang produkto kamakailan sa supermarkets
Ayon kay Cua, sa libo-libong produkto sa loob ng isang supermarket ay wala pang 250 items ang may suggested retail price (SRP), na kontrolado ng gobyerno.
Nangako naman ang Department of Trade and Industry (DTI) na wala muna silang aaprubahang taas-presyo sa mga produktong may SRP.