NAKABABAHALANG PAGTAAS NG KASO NG HIV SA PILIPINAS

TULAD  sa pagtuklas ng COVID-19 apat na taon ng nakalipas, ang acquired immunodeficiency syndrome o AIDS ay naging tampok na balita at usapan nang ito ay natuklasan noong 1981. Samut sari ang teorya na lumabas kung saan nagmula ito, ang sintomas, at klasipikasyon ng tao na maaaring madapuan ng nasabing sakit at marami pang iba.

Ganitong ganito ang pagtanggap natin noong kasagsagan ng COVID-19. Natakot ang lahat sa isang virus na wala pa tayong sapat na kaalaman dito.

Noong pumutok ang AIDS, ang unang sumambulat na balita dito ay kadalasan ang mga bakla, na ngayon ay mas kilalang tinatatawag na LGBTQ o lesbian, gay, bisexual, transgender, queer; ang tinatamaan ng nasabing sakit

Nag-ugat daw ito sa kakaibang pagtatalik ng mga kasamahan ng LGBTQ. Katagalan ay may mag natuklasan din na maaaring mahawa din ito sa pagsasalin ng dugo na may AIDS.

May mga kilalang personalidad na tinamaan at namatay sa AIDS.

Subalit nagkaroon ng panibagong klasipikasyon ang nasabing sakit. Bago tuluyan na magkaroon ng AIDS, ang biktima ay magiging human immunodeficiency virus (HIV) na kapag hindi naagapan ay magtutuloy sa nakamamatay ng AIDS.

Kilala na ang HIV sa buong mundo. Tulad ng COVID-19, na dati ang kinatatakutan, ang virus na ito tulad ng HIV ay tila tanggap na ng mga tao at parang binabalewala na ang epekto nito. Sa madaling salita, lumuwag na ang pagtanggap ng mga tao sa nasabing sakit. Hindi na gaano nag-iingat upang hindi madapuan ng ganitong klaseng virus.

Patunay nito ay ang pagtaas ng bilang ng kaso ng HIV sa Pilipinas. Ayon sa Joint United Nations Programme on HIV/AIDS (UNAIDS), ang Pilipinas ay nagtala ng pinakamabilis na pagtaas ng kaso ng HIV sa Asia-Pacific. Tumaas daw ng 237% ang taunan na bagong kaso HIV infections mula 2010 hanggan 2020. Dagdag pa dito, ang mga namatay sa AIDS sa ating bansa ay tumaas ng 315 percent.

Huwaw!

Ang kahalintulad ng nasabing datos ay maaaring magkaroon ng bilang ng 364,000 na Pilipino ang may HIV pagdating ng 2030 batay sa tinatayang 158,400 na mga Pilipino na may HIV noong 2022.

Ang nakababahala pa, ang bilang ng natutuklasan ng may HIV sa ating bayan ay dumoble nitong taon mula 22 na kaso noong 2022. Ngayon ay may tinatayang 50 na kaso ng HIV kada araw. Ang mga tinatamaan ng HIV sa ating bansa ay nasa edad mula 15 hanggang 24 taong gulang ayon sa Department of Health!

Noong nakaraang Marso ang DOH ay may ulat na sa bilang ng 1,454 na kaso ng HIV, 79 dito ay nasa edad na 10-19 taong gulang. Pito pa rito ay nasa edad 9, Ano ba ang nangyayari sa ating lipunan?!

Malinaw na bumaba ang antas ng moralidad ng ating lipunan. Maaaring sanhi ito ng kakulangan ng edukasyon, mga nababasa at napapanood sa media. Ang kakulangan ng pananampalataya ay malaking bagay rin sa pagbagsak ng moralidad ng ating kabataan.

Dapat ay gumawa ng seryosong programa ang ating gobyerno laban sa nakababahalang pagtaas ng mga kaso ng HIV sa ating bansa. Tila napabayaan na ito.

Tinatawagan ko ang DepEd, DSWD, DILG at ang DOH upang magkaroon ng seryosong kampanya upang mahinto ang pagtaas ng HIV sa ating kabataan. May mga umiiral na batas na tulad ng curfew sa mga kabataan (DILG), wastong edukasyon sa paaralan (DOH), pagkalinga sa mga naliligaw na kabataan (DSWD) at seryosong aksyon ng mga health centers ng DOH.

Parang awa ninyo. Ang ating mga kabataan ang kinabukasan ng ating bayan!