NAKABIBILIB ANG PAGHINGI NG ‘SORRY’ NINA DAGUL, LONG AT GENE

alex santos

NALAGAY sa kontro­bersiya ang mga ko­medyanteng sina Ro­berto Mejia (Long Mejia), Romy Pastrana (Dagul), at Gene Baldivia (Gene Padilla), dahil daw sa paglabag sa quarantine protocols nang magtungo sa Ilocos Sur kamakailan.

Mahigpit ang rekomendasyon ni Ilocos Sur Governor Ryan Singson na ideklara silang persona non grata sa probinsya.

Ibig sabihin, hindi na sila ‘welcome’ sa nabanggit na lugar.

Mga kilalang komed­yante sa pelikula at telebis­yon ang tatlo.

May mga naging show sa Kapamilya network sina Long at Dagul habang mas nakilala si Gene sa Kapuso shows.

Ikinagalit ng mga lokal na opisyal ang paglabag daw ng tatlong komedyante sa quarantine measures.

Kasama sa mga sinasabing paglabag na ito ay ang pag-iwas daw sa mga inilatag na checkpoint ng lalawigan.

Hindi raw maaaring balewalain ng mga ito ang quarantine rules ng pamahalaang panlalawigan.

Para kay Singson, hindi katanggap-tanggap at pagpapakita ng pagiging arogante ang ginawa ng mga komedyante.

Bukod sa paglabag sa quarantine protocols, wala nang ibang detalyeng ibinigay si Singson hinggil dito.

Pero sa eksklusibong panayam ko kina Dagul at Gene, inamin nilang sila ay nagkasala at may nilabag na batas sa panahon ng pandemya.

Sabi sa akin ng da­lawa, sila ay pumunta ng Ilocos Sur upang makahingi ng ayuda sa kanilang kaibigan dahil apektado rin sila sa krisis.

Nagkataon ding pinasinayaan din nila ang bagong bahay ng kanilang kaibigan at wedding anniversary na rin ng mag-asawa.

Sa lahat ng kanilang pagbibigay ng panig, isang mabait at punong-puno ng pagsisisi ang kanilang nagawa at sila ay humingi ng paumanhin sa mga opisyal ng lalawigan.

Sa totoo lang, tulad ng ibang mga artista, problemado rin ang mga nabanggit na komedyante dahil sa kawalan ng raket habang nawalan naman ng prangkisa ang ABS-CBN.

Ang mahalaga ay nag-sorry agad ang tatlong mama.

Lahat ay nagkakamali na hindi maiwasan dahil tayo ay tao lamang at hindi rin laging madaling ma­kisama sa kapamilya, kaibigan, o sa trabaho.

Ang apology o pag­hingi ng sorry sa mga nasaktan at apektado nang hindi sinasadya ay paraan ng pagsasabi na aware ka sa nangyari at saka gu­magaan ang pakiramdam.

Ngunit hindi ganyan ang nasaksihan natin sa ilang government officials na lumabag din sa mga alituntunin ng Inter-Agency Task Force (IATF) pero kapal-mukha pa ring idinepensa ang mga sarili sa pagpapakita ng masamang halimbawa sa publiko.

Kaya naman maski si Pangulong Rodrigo Duterte ay seryoso sa pagpapaalaala sa lahat na sumunod sa ipinag-uutos para mapigilan ang coronavirus.

Nariyan ang Philippine National Police (PNP) at local officials na inatasang magpatupad ng mga batas.

Mula nang ipatupad ang quarantine measures, naging mahigpit ang awtoridad sa implementasyon nito.

Hinuhuli ang mga nagtitipon sa kalye, walang face mask, nag-iinuman, nagsusugal, at iba pa.

Dapat sumunod sa batas ang lahat, heneral ka man, kongresman, o senador.

o0o

Si Alex Santos ay broadcaster sa mga programa ng DWIZ 882 tulad ng Ratsada Balita tuwing alas-6 ng umaga; IZ Ba­lita Nationwide Pang-uma­gang edisyon (7am-8am). Makinig din araw-araw sa Radyo Pilipinas (2pm-3pm) sa programang “WALANG SINASANTO”. Mapapanood ni’yo rin ako sa PTV NEWS tuwing alas-6 ng gabi. Ipa­dala ang inyong komento at reaksiyon sa lupaxsantos1@yahoo.com o puwede niyo akong i-follow sa twitter account @iamalexsantos

Comments are closed.