(Nakabili na ng bahay at lupa) BATANG MEKANIKO TAGUMPAY SA PINASOK NA NEGOSYO

ISANG batang mekaniko sa Rosario, Cavite ang masasabing nagtagumpay sa kanyang misyon sa buhay.

Kinilala ang batang mekaniko na si Mike Evander Presa, 30-anyos, may asawa at dalawang anak na lalaki. Panglima sa 9 na magkakapatid.

Pang-5 sa siyam na magkakapatid si Mike na kilala sa buong Cavite na isang karerista ng motor.

Isang henyo pagdating sa pagbabagong bihis ng isang simple at pangit na motor ay napapaganda nito.

Umiikot ang mundo ni Mike sa bawat sulok ng motor kung saan kabi-kabila ang ginagawa ng kanyang grupo na pagmo-motor show.

Nagiging daan ang proyektong motor show na kanilang ginagawa upang matulungan ang mga taong higit na nangangailangan ng pinansiyal dahil sa usaping medikal at gamot.

Sa simpleng paraan, natutulungan nito ang isang taong humaharap sa pagsubok.

Taong 2018 nang pasukin ni Mike ang pagtitinda ng iba’t ibang spare parts ng motor. Eksklusibo siyang nag-aalok ng produkto ng JRP sa buong Cavite.

Patok ang kanyang paninda sa tao. Mura na at may kalidad pa. Ang dating pangarap niyang magkaroon ng isang maliit na tindahan ay nagkatotoo at higit pa.

“Kailangan lang talaga ng maraming tiyaga at pagsusumikap. Pasasaan ba’t mararating mo rin ang inaasam na tagumpay”, mensahe ni Mike sa mga kapwa niya mekaniko.

Sa 4 na taon niyang pagtitinda ng spare parts ng mga motor, tunay ngang narating na niya ang tropeo ng tagumpay dahil sa ngayon ay nakabili na siya ng bahay at lupa sa isang eksklusibong subdibisyon sa Cavite.

“Nangungupahan lamang kami noon ng aming pamilya. Sabi ko sa sarili ko, darating din ang panahon na magkakaroon din ako ng sarili kong bahay at lupa. Sa tulong ng Maylikha at sa mga taong palaging nasa tabi ko upang gabayan ako, maraming-maraming salamat. Sa asawa ko, sa mga suplayer ko, at kay Boss Renz ng JRP, maraming-maraming salamat po sa inyong lahat”, paglalahad ni Mike.

Punong-puno ng kwentong inspirasyon ang buhay ni Mike na mag-iiwan ng magandang alaala at pagmamahal sa kapwa. Marami pang oras at panahon ang kanyang tatahakin, nawa sa kanyang paglalakbay sa tagumpay ay patuloy na mangibabaw ang pagiging mapagkumbaba sa kapwa.
SID SAMANIEGO