Mga pagkaing maaaring kahiligan
(ni CT SARIGUMBA)
TALAGA nga namang nakaiirita ang magkaroon ng sipon. Abala sa mga gawain. Kung minsan, nakahihiya rin kung singhot ka nang singhot habang nasa sasakyan. Pantawag-pansin ang ingay sa mga kasabayan sa mga commuter.
Pangkaraniwang sakit lang naman ang sipon lalo na kapag malamig ang panahon. Kaakibat pa naman ng sipon ang iba’t ibang sintomas gaya ng pagbabara ng ilong, tuloy-tuloy na pagtulo ng sipon, pananakit ng iba’t ibang bahagi ng katawan tulad ng ulo, lalamunan, at mga kalamanan.
May iba’t ibang dahilan kung bakit nagkakasipon ang tao, ngunit ang pinakakaraniwan sa lahat ay dulot ng impeksiyon ng cold virus. Upang matulungang mapabilis ang pagginhawa ng pakiramdam, narito ang ilang simpleng tips na maaaring sundin:
Pangkaraniwang sakit at kadalasan ay kusa namang gumagaling ang sipon. Pero hindi ibig sabihin nito ay maaari nang pabayaan o hayaan. Kailangang alagaan pa rin ang sarili. Palakasin ang resistensiya.
Mahalaga rin ang pag-inom ng maraming tubig para mapabilis ang paghupa ng sipon. Sa tulong kasi nito, mas maaayos at mas napabibilis ang pag-agos ng sipon sa ilong, at ang resulta, naiiwasan ang pagbabara sa ilong.
Ang sapat na pahinga mula sa mahabang oras ng tulog ay mahalagang paraan para mapanumbalik ang lakas na nawawala sa pagkakaroon ng sakit. Mas tumataas ang posibilidad ng paglala at pagtagal ng pagkakasakit kung mas maikli sa pitong oras ang tulog o pahinga.
At dahil hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng sipon sa panahong ito, narito naman ang ilan sa mga pagkaing maaaring kahiligan:
CHICKEN SOUP
Unang-una sa nakatutulong upang mawala kaagad ang kinaiinisang sipon ay ang chicken soup. Isa ito sa pinaka-epektibong pagkain upang mawala ang sipon.
Sa ginawang pag-aaral noong 1978, lumalabas na ang chicken soup ang pinaka-epektibong mainit na sabaw na nakapagtatanggal ng mucus sa ilong.
Nagtataglay ng anti-inflammatory properties ang chicken soup na nakapagpapaginhawa ng pakiramdam.
SPICY FOOD
Mainam din ang pagkain ng maaanghang na pagkain upang matanggal o mapagaling ang sipon. Binubuksan ng pansamantala ng maaanghang na pagkain ang sinuses na nagiging daan upang makapag-flow ng mas mabilis ang mucus. Habang bumibilis ang daloy ng mucus ay mas gumiginhawa o nawawala ang pagbabara ng ilong.
Puwedeng subukan ang mga hearty spicy food gaya ng Spicy Bean Hot Pot na naglalaman ng maraming gulay at spices.
VITAMIN C
Napakahalaga rin ng Vitamin C upang malabanan ang sakit gaya ng sipon at ubo. Mainam din ang Vitamin C upang mapalakas ang immune system.
Upang makuha ang Vitamin C na kailangan ng katawan, ilan sa maaaring kahiligan ang oranges, lemons, limes at grapefruits. Nagtataglay ang mga nabanggit ng flavonoids na tumutulong sa pagpapalakas ng resistensiya. Pinabibilis din nito ang recovery o paggaling.
BANANAS
Isa pa sa napakadaling hanapin at abot-kaya sa bulsa ang bananas o saging. Nagtataglay ng potassium, B vitamins at magnesium ang saging. Ang taglay nitong Vitamin B6 ang siyang tumutulong upang malabanan ang infection.
OILY FISH
Mainam ding kahiligan ang oily fish gaya ng mackerel, salmon, sardines at tuna dahil mayaman ito sa omega 3. Ang mga nabanggit na nutrients ang siyang tumutulong sa katawan upang maiwasan o mabawasan ang inflammation at mapigilan ang paglala ng sintomas ng sipon.
Napakaraming puwedeng gawin upang mapanatiling malusog ang pangangatawan. At kung may sipon, subukan ang mga paraan at pagkaing ibinahagi namin. (photos mula sa newsnetwork.mayoclinic.org, stayathomemum.com.a at medicalnewstoday)
Comments are closed.