PAGHANGA at labis na pagpuri ang isinukli ni Aksyon Demokratiko presidential aspirant Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa mga taong masayang sinalubong at inihihiyaw ang kanyang pangalan sa ginanap na concert-rally sa Old Tagbilaran City Airport nitong Miyerkoles, Abril 20.
“Bilib na bilib ako sa inyo. Congratulations, Bohol. Giniba kayo ng lindol, pinadapa ng bagyo, natumba, tumayo, pero ngayon, kayong mga kabataan ng Bohol, nakatayo. Nakapagaling n’yo, mga Boholano,” sabi ni Yorme Isko sa mahigit 40,000 tao na sumisigaw ng “Yorme!” “Isko, Presidente Isko!”
Aniya, tunay na kahanga-hanga ang mabilis na pagbangon ng mga mamamayan ng Bohol na labis na sinalanta ng bagyong Odette’, Disyembre ng nakaraang taon.
Nakikita niya ang sarili sa mga Boholano, sabi ni Yorme Isko – na hindi sumuko sa hirap, naging matatag sa pagsubok.
“Nakaka-inspire kayo,… Nakikita n’yo ba ako? Akong kaharap n’yo, dating basurero, dating sidecar boy.
Isa sa inyo, puwede ring maging mayor ng Maynila, puwede pang maging presidente ng bansa,” sabi ng 47-anyos na kandidatong pangulo.
Sa nakita niyang tatag at tapang sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay, inihayag ni Yorme Isko na ito ang dahilan kaya ipinagpapatuloy niya ang laban sa pagka-pangulo.
“Kayo ang ipinaglalaban ko, kayo ang nagbibigay sa akin ng lakas ng loob, kasi, kayo, hindi kayo sumusuko. Kaya ang laban na ito, ngayong eleksiyon, ay para sa inyo. Laban ito ng ordinaryong pamilyang Pilipino,” wika ni Isko.
Ipinaalaala niya na ‘wag magpalinlang sa away ng dalawang elitistang pangkat ng mga politiko na matagal nang kumukubabaw at nagsamantala sa bansa sa loob ng ilang dekada.
Ang laban sa eleksiyong ito, idiniin ni Yorme Isko ay kung paano sosolusyonan ang kahirapan, ang gutom, kawalang hustisya, at mga ito ay ipinangakong bibigyan ng higit na pansin kung mananalong pangulo.
Nais ng pamilyang Pilipino ng murang bilihin, murang koryente, mabilis na internet, trabaho, bahay, eskwelahan, ospital.
“Ganyan ang iaalay kong gobyerno sa inyo, isang gobyernong tapat na maglilingkod sa tao, o para sa kinabukasan ng kabataan ng ating bansa,” sabi ni Yorme Isko.
Panahon na, sabi pa ng alkalde ng Maynila, na magkaroon ng isang batang presidente ang Pilipinas.
Nang maging pangulo si Ramon Magsaysay sa edad 46, naging mahusay ang pamamalakad niya na tinawag na ‘real Golden era’ ng Pilipinas.
“Ano ang gusto n’yo, 80-anyos ang presidente na kayo ang umaakay? Ang tamang presidente ay ‘yung umaakay sa inyo!”
Bibigyang solusyon niya, pangako ni Yorme Isko ang mga pinoproblema ng nanay at tatay, at siya ang magiging isang batang presidente na mag-aalay ng isang simple, matapat at episyenteng gobyerno, para sa lahat ng Pilipino.
o0o
Hinimok ni Yorme Isko ang mga kabataang Boholano na samahan siya na tapusin ang away ng magkalabang Pula at Dilaw sa mainit na kampanya sa Tagbilaran City kamakailan.
“Samahan n’yo kami sa May 9. Tayong mga kabataan, tayo ang magtatapos ng away ng malalaking politiko. Nasa ating mga kamay ang lakas, sa Mayo a-nuebe, tayong mga kabataan ang guguhit ng ating tadhana,” sabi ni Isko.
Tumutukoy ang Pula sa pamilya Marcos at Dilaw sa grupo ni Vice President Leni Robredo na sinusuportahan ng Liberal Party at mga kaalyadong malalaking politiko na kilala sa kulay na Dilaw.
Kasama ang katiket na bise-presidente Doc Willie Ong, mga kandidatong senador Samira Gutoc, Dr. Carl Balita, Jopet Sison at Atty. John Castriciones ay muling binisita ang lungsod ng Tagbilaran, isa sa mga unang siyudad na tinulungan ang mga mamamayang pininsala ng bagyong Odette, Disyembre 6, 2021.
Ilang araw, tumulong din ang maybahay ni Yorme Isko, si Ma’am Dynee para idonasyon ang pagkain, damit at iba pang ayuda na kaloob ng mamamayan ng Maynila sa mga Boholano.
Kaya, ganoon na lamang ang pasasalamat ni Bohol Gov. Arthur Yap sa muling pagbisita ni Isko na magalang na tinawag na “Mr. President” sa Kapitolyo ng lalawigan.
“Mr. President, on behalf of the province of Bohol, taos-puso po namin kayong tinatanggap sa kapitolyo.
Dagha pong salamat Sir, hindi mo kami nakalimutan sa panahon ng bagyong Odette,” sabi ni Gov. Yap na ikinuwento ang maraming ayuda, generator sets at tulong na salapi para sa mamamayan ng Bohol.
Dinalaw rin ng pangkat ng Aksyon Demokratiko si Catigbian Mayor Elizabeth Mandin – na sa katuwaan ay pinapirmahan kay Isko ang dalawang pares ng ng sapatos na Adidas Superstar at si Carmen Mayor Ricardo Francisco Toribio at Calape Mayor Nelson Yu.
Sa mga miting sa bayan ng Catigbigan, Carmen at Calape, dinumog ng mga nagpapasalamat na Boholano si Yorme Isko na nangako ng malakas na suporta sa eleksiyon sa Mayo 9.
“Maraming salamat sa inyo, sa Mayo a-nuebe, ipanalo natin ang mamamayang Pilipino,” sabi ni Yorme Isko.
o0o
Para sa inyong mga suhestiyon, reaksiyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].