BINABANTAYAN ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamamagitan ng Philippine Embassy sa Tehran, Iran ang kondisyon ng 12 Filipino crew members na nakulong dahil sa alegasyon ng fuel smuggling.
Ang mga nakulong na Pinoy ay pawang crew members ng “Al Buraq 1”, isang offshore supply ship na naharang ng mga awtoridad noong Setyembre 7 dahil sa hinihinalang nagpupuslit ito ng produktong petrolyo.
Ayon sa embahada, napayagan na silang mabisita ang mga nakakulong na Pinoy.
Nabatid na maayos naman umano ang kondisyon ng mga Pinoy at tinatrato rin ng mabuti habang nakabilanggo.
Mula sa Tehran, nagtungo si Philippine Ambassador to Iran Wilfredo C. Santos kasama ang iba pang Embassy officials sa Hormozgan Province malapit na sa Persian Gulf para personal na makita ang kalagayan ng mga Pinoy.
Gayundin, tiniyak ng embahada na ginagawa nito ang lahat upang mapalaya ang mga seafarer.
Nakikipag-ugnayan na rin ang embahada sa Iranian Government para masiguro ang kaligtasan at maayos na trato sa mga Pinoy.