TINIYAK ng isang opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na walang special treatment na ibibigay ang Pasay City Jail sa dalawang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na inilipat sa naturang bilangguan nitong Lunes ng hapon, batay na rin sa kautusan ng Senado.
Sa isang pahayag, sinabi ni BJMP Spokesperson Chief Inspector Xavier Solda na handa ang Pasay City Jail para tanggapin sina Lincoln Ong, director ng Pharmally, at Mohit Dargani, corporate secretary at treasurer ng kumpanya.
Tiniyak nito na walang special treatment na ipagkakaloob sa naturang Pharmally officials sa panahon ng kanilang pananatili sa Pasay City Jail dahil polisiya ng BJMP na bigyan ng pantay-pantay na pagtrato ang lahat ng persons deprived of liberty (PDLs).
“Walang special treatment. Walang preferential attention para sa kanila. Ang policy ng BJMP, pantay-pantay na pagtrato sa lahat ng aming mga PDLs, patas na pagmamalasakit sa lahat,” pagtiyak pa ni Solda.
Aniya, ang bilangguan ay walang hiwalay na pasilidad maliban na lamang sa isolation area na para sa mga newly committed PDL na bahagi ng health and security procedures na inoobserbahan sa mga bilangguan.
Sinabi ni Solda na mayroong mandatory quarantine period na 10-14 days sa mga preso, at matapos ito, ang mga bagong lipat na indibidwal ay itatalaga sa selda ng general population.
Nabatid na ang Pasay City Jail ay isang 1000% congested facility at sa kasalukuyan ay mayroon umano itong kabuuang 1,104 preso.
Nauna nang nilagdaan ni Senate President Vicente Sotto III ang isang kautusan na naglilipat kina Dargani at Ong sa kustodiya ng Pasay City jail matapos ipakulong ang mga ito dahil sa pagkabigong magharap ng financial documents sa Senate Blue Ribbon Committee.
Ang Senado ang nag-iimbestiga sa transaksyon ng kumpanya sa pamahalaan kaugnay ng kontrata nitong bilyun-bilyong umano’y overpriced medical COVID-19 supplies. EVELYN GARCIA