(Nakakumpiska rin ng mga baril at droga) 123 BIKTIMA NG HUMAN TRAFFICKING NASAGIP

SULU- Nasa 123 trafficking-in-persons ang na-rescue ng mga tauhan ng Philippine Navy bukod sa mga nakumpiskang high powered firearms at shabu sa Tubalubac Island, Barangay Aluh Bunah, Pangutaran sa lalawigang ito.

Sa ulat na isinumite sa tanggapan ni Navy Flag Officer in Command, Vice Admiral Toribio Adaci Jr., isang surprise law enforcement operation ang inilusad ng Naval Task Force-61 na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Naval Forces Western Mindanao (NFWM).

Ayon sa ulat ng NFWM, isinasailalim sa forced labor, partikular sa spearfishing ang mga nasagip na biktima na karamihan ay mula sa Cebu at Bohol.

Pinapagamit din umano ng iligal na droga ang mga biktima para matiis ang trabaho.

Nakuha sa isinagawang operasyon ang ilang baril, bala, magazine, gamit sa pampasabog at nasa 10 gramo ng hinihinalang shabu sa loob ng bahay ng isang Jammang.

Nakatakas naman ang grupo ng mga recruiter at handler, kabilang ang isang Jammang at ang 15 kasabwat bitbit ang ilang high-powered firearms na target ngayon ng manhunt operation.

Nasa kustodiya na ng Ministry of Social Services and Development-BARMM ang mga biktima.
VERLIN RUIZ