(Nakalabas sa ospital nasa 1,408) 93 NADAGDAG SA COVID-19 RECOVERIES

PATULOY na dumarami ang bilang ng mga pasyenteng gumagaling sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Sa case bulletin no.52 na inisyu ng Department of Health (DOH) nitong Martes, Mayo 5, nabatid na nakapagtala pa sila ng 93 pang pasyente na gumaling sa virus.

Sanhi nito, umaabot na ngayon sa 1,408 ang total COVID recoveries sa bansa.

Samantala, hanggang 4pm naman ng Mayo 5, ay nakapagtala pa ang DOH ng 199 bagong kaso ng virus, sanhi upang umakyat na sa 9,684 ang total confirmed COVID-19 cases sa bansa, at 7,639 dito ang active cases.

Binigyan sila ng DOH ng pagkakakilanlan o patient ID number na PH9486-PH9684.

Ang 173 umano sa mga bagong kaso ay mula sa National Capital Region (NCR), isa naman ang mula sa Region 7 habang 25 ang naitala sa iba pang panig ng bansa.

Muli rin namang tumaas ang kaso ng mga namatay sa sakit nang madagdagan ng 14 pa, at umaabot na ngayon sa kabuuang 637 COVID deaths. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.