NAKALASONG LAMBANOG, MATAAS ANG METHANOL

lambanog

HINDI  rehistrado sa Food and Drugs Administration (FDA) at may mataas na antas ng methanol ang lambanog na ininom at nakalason sa 9-katao sa Quezon City at Laguna kamakailan.

Ito ang kinumpirma ng FDA batay na rin sa resulta ng isinagawa nilang 24-oras na pagsusuri sa mga kinalap nilang sample ng lambanog.

“The FDA, in coordination with the Department of Health (DOH)-Epidemiology Center, and the concerned local government units, immediately secured samples of these products, for product verification and laboratory analysis, and have confirmed that they are NOT registered, and have contained high levels of the substance, Methanol,” anang FDA batay sa Advisory No. 2018-325 na inisyu ng FDA dakong 4:00 ng Biyernes ng hapon.

Ipinaliwanag ng FDA na ang pagkonsumo ng mga produktong may mataas na antas ng methanol ay may masamang epekto sa kalusugan.

Anang FDA, maaari itong magdulot ng pagkabulag, at permanenteng neurologic dysfunction.

Babala pa ng FDA, maaari rin itong mauwi sa kamatayan, lalo na kung hindi maaagapan.

Pinayuhan nito ang publiko na mag-ingat sa pagbili at pagkonsumo ng lambanog.

Dapat din umanong tiyaking rehistrado ang mga produktong bibilhin.

Kaugnay nito, muli ring binalaan ng FDA ang publiko hinggil sa panganib ng mga produktong hindi rehistrado sa kanilang tanggapan dahil hindi ito dumaan sa kanilang pagsusuri kaya’t walang kasiguruhan ang kaligtasan at kalidad ng mga ito.                                          ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.