BALIK- selda ang isang lalaking dati nang nabilanggo matapos na mahulihan ng mahigit sa P7.1 milyong halaga ng shabu sa isang buy-bust operation sa Quezon City, Lunes ng gabi.
Ang suspek ay nakilalang si Ian Torres, 37-anyos, konduktor ng bus, at residente ng 419 Dominga St., Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City.
Si Torres ay itinuturing na Top 2 District Drug Personality Priority Target ng QCPD dahil sa paglabag sa Section 5 (Selling of Illegal Drugs) at Section 11 (Possession of Illegal Drugs) sa ilalim ng Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Batay sa ulat ng QCPD-District Drug Enforcement Unit, dakong alas-8:50 kamakalawa ng gabi nang maaresto ang suspek sa buy-bust operation sa isang tindahan ng barbeque na matatagpuan sa FPJ Avenue. Brgy., Katipunan.
Nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang aabot sa isang kilo at 50 gramo ng shabu na nakasilid sa paper bag at nagkakahalaga ng P7,140,000, isang cellphone at buy-bust money.
Ayon sa mga awtoridad, dati na ring nakulong ang suspek dahil sa drug charges.
“Matagal ng operation siya at matagal na ring sinusubaybayan ng ating DDEU ‘yan. May mga ilang test buys na rin sila at may mga surveillance. Close surveillance ang ginawa namin diyan, intensive surveillance hanggang sa maka-collect kami and napagkatiwalaan,” ayon kay QCPD Director BGen. Nicolas Torre III.
Dagdag pa ni Torre, maraming kostumer ang suspek sa Quezon City at mga kalapit na lungsod sa Metro Manila, gayundin sa mga kalapit na lalawigan.
“Marami siyang binabagsakan dito sa Quezon City at sa nearby cities sa Metro Manila at mayroon ding mga customer siya sa iba’t ibang kalapit probinsiya,” ayon sa QCPD chief.
Nagsasagawa pa naman ng follow-up operation ang pulisya upang matunton kung sino ang nagsusuplay ng droga sa suspek. EVELYN GARCIA